Advertisers
Tahimik na sa social media ang kontrobersyal na Gil Puyat Ave na napalitan sandali ng Gil Tulog.
Nagpaliwanag na ang LGU ng Makati, nag-sorry na ang ad agency na may likha ng kampanya at naghayag na ang pamilya Puyat na sila ay magsasampa ng demanda sa korte.
Pati sa telebisyon, radyo at diyaryo ay natabunan na ang news na ito.
Dahil sa gusot nakilala tuloy ng tao si Gil Puyat na dating Senate President at anak ng pioneer industrialist na si Gonzalo Puyat, founder ng Puyat Steel Nagkaroon pa sila ng koponan sa MICAA noong araw. Ito ang naging team na Manilabank nang lumaon.
Naalala rin ni Aling Barang at iba pang mamamayan ang namayapang si German Moreno na may programa sa GMA 7 dati na Walang Tulugan. Ang time slot kasi ay 12 MN ang simula at madaling araw na natatapos.
Pero ireng kaibigan natin na Gil din ang pangalan ay napuyat sa panonood ng semi-finals ng basketball sa Olympics. 11 :30 PM noong Huwebes kasi ang game ng France at Germany. Tapos alas tres naman ang USA kontra Serbia.
Noong Sabado naman wala siyang tulog sa paghihintay ng championship sa pagitan ng mga Amerikano at Frances.
Kung sabagay hindi lang naman si Gil ang ganito. Maraming Pinoy nag-abang din sa mga larong nabanggit.
Si Noel P na residente na ng Dublin sa Ireland nagbayad pa ng pitong euros sa cable provider para masaksihan niya ang mga laban ng Team USA.
Dito sa atin nasa Cignal TV ang nasabing mga match.
***
Samantala ang mainit pa rin na paksa ngayon ay si Carlos Yulo, ang kanyang dalawang ginto, ang ina’t syota niya.
May mga nagpopost na dapat daw ay huwag na sumawsaw ang iba sa isyu. Hayaan na lang daw si Caloy na tamasahin ang tagumpay sa Paris Olympics.
Kaso sa mismong mensahe na ganyan ay pakikialam pa rin sa kontrobersya. Kung ang nais ay enjoyin na lang ng ating bagong bayani ang karangalang hatid ay sana tinikum na rin nila ang bibig sa Facebook. Lalo lang lumalaki ang sunog kasi sinasagot din ito ng ibang salungat.
***
Minsan pa pinatunayan ni LeBron James na siya ang tunay na GOAT sa basketball sa pagwawagi ng Team USA ng gold sa Paris.
Hindi lang punakamahusay sa NBA kindi pati sa buong mundo.
Tinanghal siyang MVP ng FIBA sa pangunguna niya sa koponan sa 2024 Olympics.
May average si LBJ na 14 points (66% field goals), 7 rebounds, 8 assists at 1 steal sa loob ng 24 minutes kada game. Bukod dyan may mga crucial pa siyang mga block.