Advertisers
Arestado ang isang lalaki nang pagbantaan ang kanyang nobyang receptionist – therapist habang ipinapakita ang kanyang baril nang magselos sa isang customer nito sa Malate, Maynila.
Nakadetine sa Manila Police District -Police Station 5, ang suspek na si Romuald Banal y Manalili, 36, residente ng Royal Plaza Twin Tower Condominium, Remedios St., corner Ma. Orosa St., Malate, Maynila.
Nabatid na nagreklamo ang biktimang si Kaylie, 30, therapist, receptionist, at residente ng Twin Tower Condominium Remedios St., Malate, Maynila, ala-1:30 ng madaling araw matapos pagbantaan ng suspek ng “Walang makikinabang sa iyo! At wag lang makita kita sa labas na may ibang kasama.”
Nag-ugat ang pagbabanta ng suspek nang magselos ito sa isang customer ng biktima at magkaroon ng mainitang pagtatalo sa loob ng San Shai Spa sa Remedios cor Ma. Orosa St., Malate, Maynila.
Kaagad namang nagtungo sa presinto ang biktima at pinaaresto ang suspek kung saan nakuha ang baril nito sa may passenger seat na may kargang 11 bala.
Sinampahan ng kasong Grave Threat in relation to RA 9262 at R.A. 10591 ang suspek sa Manila Prosecutors Office. (Jocelyn Domenden)