Advertisers
Nagsagawa ng mga aktibidad na Anti-Urban Blight (AUB) ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, katuwang ang Meralco sa Katarungan St., Barangay 149 Bagong Barrio na naglalayong tanggalin ang mga mababang nakasabit na electrical wires at tanggalin ang mga ilegal na koneksyon sa kuryente noong Huwebes, Agosto 22.
Nagpahayag ng suporta si City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa aktibidad lalo na sa mga panganib na maaaring idulot ng nasabing mga wire sa mga dumadaan at ang posibleng panganib sa sunog dahil sa hindi maayos na koneksyon.
“Muli po tayong nagpapasalamat sa Meralco sa pagtulong sa pamahalaang lungsod na panatilihin ang kaligtasan ng mga mamamayan. Kasabay ng pag-aalis ng mga ilegal at buhol-buhol na koneksyon sa mga poste, mas ligtas din ang barangay sa mga aksidenteng makuryente ang mga dumadaan o sa mga kislap na maaaring maging mitsa ng sunog,” wika ni Mayor Along.
Pinaalalahanan din ng local chief executive ang kanyang mga nasasakupan na iwasang gumawa ng anumang electrical repair, koneksyon lalo na sa mga poste ng kuryente upang maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na insidente.
“Paalala lang po sa mga Batang Kankaloo, itawag po kaagad sa kinauukulan kung mayroon kayong isyu sa inyong kuryente. Huwag po tayong basta-basta mag-ayos o magkabit ng kahit anong linya ng kuryente lalo na sa mga poste dahil bukod po sa ilegal ito, maaari pa ninyong ikapahamak,” dagdag ni Malapitan.
Isa pang batch ng mga aktibidad ng AUB ang nakatakdang isagawa sa parehong lugar mula Agosto 27 hanggang Agosto 30.(BR)