Advertisers

Advertisers

Sheila Guo kulong sa Senado; Cassandra Ong sa Kamara

0 30

Advertisers

Kinumpirma ni Senate Secretary Renato Bantug na nasa ilalim na ng kanilang kostudiya ang kapatid ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Kasunod ito ng pagkaka-aresto kay Sheila sa Indonesia, kung saan pinauwi ito noong nakaraang Linggo, kasama ang negosyanteng si Casandra Li Ong.

Ayon kay Bantug, bilang pagtalima ito sa una nang inilabas na warrant of arrest ng Senado dahil sa kabiguang humarap ng magkakapatid na Guo sa mga nakaraang imbestigasyon ukol sa POGO operations.



Sinabi pa ng opisyal na agad isinailalim sa pagsusuri ng doktor si Sheila bilang standard operating procedure.

Nabatid na dumating ito sa Senate premises 12:00 ng tanghali, kung saan inihatid ito ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).



Samantala, ibinigay na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Kongreso ang kustodiya kay Cassandra Li Ong.

Napagdesisyunan ito ng NBI nang inilabas na Legislative Warrant of Arrest at Contempt Order ng Quad Committee laban kay Ong.



Kasama si Ong at Sheila Guo sa mga naaresto sa Indonesia na iniuugnay kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Bilang umano’y business partner ni Alice Guo, naniniwala ang Quad Committee na maituturo ni Ong ang mga dapat managot sa operasyon ng POGO Lucky South 99 sa Porac Pampanga.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Atty. Ferdinand Topacio na pinayuhan nito ang kanyang kliyente na i-invoke ang kanyang karapatang hindi tumestigo laban sa kanyang sarili o right against self-incrimination sa pagharap nito sa mga pagdinig ng Senado at Kamara.

Ayon kay Topacio, umaasa itong gagalangin ng mga mambabatas ang karapatang ito ni Ong.

Samantala, desidido naman ang kampo ni Ong na magsampa ng reklamo dahil sa umano’y pagdetine kay Ong kahit wala itong warrant of arrest at wala pang kasong kinahaharap.