Advertisers

Advertisers

Lalaki, nanaksak ng 2 kaibigan: 1 patay

0 55

Advertisers

Arestado ng Valenzuela PNP ang isang lalaking nanaksak ng dalawang kaibigan at kasamahan sa trabaho sa no. 6, Melchor St., Barangay Malinta, Valenzuela City, Linggo, Agosto 25.

Kinilala ni PCol. Nixon M Cayaban, hepe ng Valenzuela City Police Station (VCPS), ang salarin na si alyas “Remmy”, 24, residente ng lungsod.

Kinilala naman ang dalawang biktima na sina Irene, 28; at Balbas, 23, ng Donesa St., Balubaran, Barangay Malinta, Valenzuela City.



Sa ulat, galing sa isang ‘birthday party’ ang tatlong magkakaibigan kung saan may nakatalo ang salarin at umuwi na lamang ang dalawang biktima.

“Itinuloy na lang nila ‘yung inuman sa bahay nila,” kuwento ni PCpt Armando Delima, hepe ng Station Investigation Unit (SIU).



Habang nag-iinuman, nagwala diumano si Remmy at nagpipilit na balikan ang nakatalo nito sa party.

Habang inaawat nina Irene at Balbas si Remmy pinagsasaksak ng huli ang dalawang biktima.



Kaagad dinala ng pulisya ng substation-4 (Malinta) at mga barangay tanod ang dalawang biktima sa Valenzuela Medical Center nang mapag-alaman ang pangyayari.

Nagtamo si Irene ng saksak sa braso samantalang dalawang saksak si Balbas, sa likod at tagiliran na naging sanhi ng pagkamatay nito habang ginagamot sa ospital.

Nang puntahan sa bahay ang salarin, ayaw pagbuksan ng pintuan ang pulisya kaya napilitan ang pulisya na pasukin ito at naaresto.

Nakuha ng pulisya mula sa suspek ang patalim na ginamit nito sa krimen at positibong kinilala ni Irene si Remmy na siyang sumaksak sa kanila ni Balbas nang iharap ito sa kanya sa ‘emergency room’.

“Napag-alaman din po namin sa aming pag-iimbestiga na itong suspek na nahuli natin ay isa sa ‘Top 10 most Wanted’ sa probinsiya nila sa Northern Samar,” ayon pa kay PCpt Delima.

Isinilbi ni PCpt Michael Oxina, hepe ng Valenzuela City Warrant and Subpoena Section ang ‘warrant of arrest’ laban kay Remmy sa kasong frustrated murder, sa ‘custodial facility’ ng VCPS.

Inilabas ang warrant of arrest ng Regional Trial Court Branch 21 ng Laoang, Northern Samar na may petsang October 6, 2022, may rekomendadong piyansang P80,000.

Samantala, nahaharap naman sa kasong frustrated homicide at homicide si Remmy sa Valenzuela City. (Beth Samson)