Advertisers
KINASUHAN ng Philippine National Police (PNP) ang 29 miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) kaugnay ng pagsisikap nilang maaresto ang pastor na si Apollo Quiboloy.
Sinabi ni PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo na kung sa palagay ng mga kinasuhan ay may naganap na pang-aabuso ay malaya rin silang magreklamo.
“Nakita natin noong Linggo… nakita natin kung gaano karahas ‘yung ginagawa nila sa ating mga pulis… binabato ng malaking bato, pinukpok, hinampas at sinabuyan ng napakabahong tubig at pinalo po ng monoblock. Mayroon pa po silang ini-spray na mga fire extinguisher sa mga pulis natin pero wala po kayong nakita na gumanti [mula sa kapulisan]. Sobrang maximum tolerance talaga ang ginawa diyan,” wika ni Fajardo.
“Nitong Miyerkoles nakapagsampa na tayo, 29 [KOJC members] ‘yung nakasuhan natin for violation ng BP 880. Doon po sa Public Assembly Act pati po ‘yung disobedience to an agent of a person in authority. So ilalagay po natin sa legal na proseso itong ating aksiyon sa kanila,” dagdag ni Fajardo.
Samantala, paglilinaw ni Fajardo, wala silang intensiyong harangan o pigilan ang paglabas at pagpasok ng mga miyembro ng KOJC sa compound dahil kung totoo man ito, posibleng nahimatay na sa gutom ang mga ito sa loob kung walang makalalabas upang kumuha ng pagkain dahil ilang araw na ang nakalipas.
Dagdag pa niya, base sa mandato ang kanilang pagkilos at walang paglabag na ginawa ang kapulisan.