Advertisers
NASAWI ang isang barangay chairman sa pamamaril ng riding-in-tandem habang ito’y tumutulong sa health workers sa pagtatabas ng mga damo sa Barangay Tulay-A, Maragondon, Cavite nitong Sabado.
Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan si Rodrigo Tanagas, 53 anyos, may asawa, tserman ng Barangay Tulay-A.
Hindi nakilala ang dalawang salarin na magkaangkas sa motorsiklo nang mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.
Sa report, 7:15 ng umaga nang maganap ang insidente habang abala ang tserman sa pagtulong sa kanyang barangay health workers na mga nagtatabas ng damo, nang dumating ang dalawang salarin sakay ng Honda Click na motorsiklo.
Tinapatan ng mga salarin si Tanagas at sunod-sunod itong pinaputukan bago mabilis na nagsitakas.
Naitakbo pa si Tanagas sa ospital subali’t idineklarang dead-on-arrival.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa krimen.