Advertisers

Advertisers

Child abuse case vs Culion mayor usad-pagong; at ang war on drugs nina Duterte, Bato at Quiboloy

0 35

Advertisers

HABANG lumalalim ang mga imbestigasyon ng House Quad Committee sa war on drugs ng nakaraang Duterte administration, unti-unting nakikita ang hustisya para sa libo-libong biktima ng “pekeng” giyera kontra droga, at mapapanagot ang mga salarin.

Sa pag-testify ni Police Lt. Colonel Jovie Espenido, isa sa mga opisyal ng pulisya na ginamit ng Duterte administration para sugpuin kuno ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng iligal na droga, ibinunyag ng opisyal ang mga utos ay mula raw kay noo’y PNP Chief ngayo’y Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.

Si Dela Rosa ay saradong “bata” ni Duterte. Siya ang City Chief of Police ni Duterte noong mayor ang huli ng Davao City kungsaan sumikat naman ang “Davao Death Squad”.



Ang DDS, sabi ng umaming “hitman” na si retired SPO4 Arturo Lascanas, ang siyang pumapatay sa mga gustong ipatumba ni Duterte. Karamihan daw sa kanilang tinodas ay mga karibal sa kalakalan ng iligal na droga ng mga “bespren” ni Duterte na “Chinese drug lords” like Michael Yang na naging presidential adviser pa noon, Peter Lim, Charlie Tan at marami pa na binanggit ni Lascanas sa kanyang mga ‘expose’.

Ang sinasabing Chinese drug lords na ito ay lantarang pumupunta sa Malakanyang. Nangawala lang ang mga ito nang matapos ang termino ni Duterte.



Kung gaano pinoprotektahan ni Duterte ang mga sinasabing “drug lords” ay ganun din kainit ang “pagtago” niya kay Pastor Apollo Quiboloy na wanted sa maraming kasong kriminal.

Si Quiboloy ay naging presidential spiritual adviser ni Duterte.



Nang ma-wanted sa batas si Quiboloy, inihabilin niya ang kanyang mga ari-arian kay Duterte bilang “administrator”.

May mga lumabas na balita na ang kayamanan ni Duterte ay nakatago sa “bunker” ni Quiboloy. Kaya siguro ganun nalang kung protektahan ni Duterte laban sa mga pulis ang KOJC compound na sinasabing pinagtataguan ngayon ng pastor.

Teka, baka may iba pang iligal na nakatago sa bunker ng compound? Subaybayan!

***

MAILAP parin ang hustisya para sa dalawang menor de edad na taga-Culion na diumano’y inatake at binugbog ni Mayor Virginia De Vera at ng mister nitong si Cesar sa loob ng isang presinto, sa harapan mismo ng mga pulis at ng mga magulang ng mga bata.

Ang pinag-ugatan ng pangyayari ay nang dahil lamang sa isang private group chat sa Messenger na sinasabing binuli ng mga biktima ang anak na babae ni Mayor De Vera.

Nangyari ang insidente 2018 pa, pero hanggang ngayon ay wala paring resolusyon ang hukuman ukol sa isinampang criminal complaint laban sa mga De Vera.

Naka-docket ang reklamo bilang Criminal Case No. CRN-2023-06, binabanggit dito ang paglabag ng mag-asawa sa Sec. 10, Par. (a) ng Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act) subalit nananatili itong nakabinbin sa Regional Trial Court (RTC) Coron.

Ang nasabing batas ay ginawa upang protektahan ang mga bata mula sa pang-aabuso at kalupitan pero tila hindi ito ang inaakto ng korte dahil mukhang ito pa ang nagpoprotekta sa mga nang-aabuso. Hindi kaya at bakit kaya?

Biruin n’yo, mga pare’t mare, matapos ang sinasabing pambubugbog ay ilan taon pa ang lumipas bago ma-arraign ang mga akusado noong July 2023. Masyadong delayed yata?

Pero bago ito, kahit hindi pa raw nase-serve ng Culion Philippine National Police ang warrant of arrest kina Mayor Virginia at Mr. Cesar ay agad nang dumiretso ang dalawa sa RTC para magpiyansa, at diretsong ipabasura ang kaso nila. Mabuti na lamang at hindi ito pinayagan.

Sinasabi rin na masyadong maraming na-cancel sa schedule hearings. Makikita naman ito sa court records.

Parusa ito para sa mga bata dahil kinakailangan nilang magbiyahe mula Culion hanggang Coron via ferry at dalawang beses lang sa isang araw ang biyahe. Kaya may mga pagkakataon na dumarating sila sa Coron isang araw bago ang nakatakdang pagdinig, subalit ipagpapaliban lamang ito ng korte. Papaano na ang panggastos nila sa pamasahe, pagkain, at tirahan sa Coron?

Masyado nang maraming trauma na inaaabot ang mga bata at puno narin ang mga pasakit na nararanasan ng kanilang pamilya mula nang ipaglaban nila ang kanilang karapatan laban sa malalaking tao sa kanilang bayan.

Kung sino-sinong tao narin daw ang nagsadya sa kanilang tahanan upang alukin sila ng pera, trabaho o ‘di kaya’y negosyo para lamang umatras sila. Nakatanggap din daw sila ng pananakot. Pero hindi sila nagpapadala at nananatili silang matatag.

Ayon sa dalawang bata, hindi sila natatakot at kahit pa magdildil sila ng asin ay hinding-hindi nila iuurong ang kanilang criminal complaint laban kina Mayor Virginia De Vera at mister nitong si Cesar.

Tuldukan!