Advertisers
KUMBINSIDO si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na si House Speaker Martin Romualdez ang nasa likod ng imbestigasyon ng quad committee sa war on drugs ng dating administrasyong Duterte.
Ayon kay Dela Rosa, wala siyang pagdududa sa mga chairmen ng bumubuo ng quad committee at para sa kanya ginagawa lamang ng mga ito ang kanilang trabaho.
Naniniwala ang mambabatas na ang Speaker ang nasa likod ng imbestigasyon laban sa kanila at posibleng gamitin ito sa mga kasong kinakaharap nila sa International Criminal Court (ICC).
Sinabi ni Dela Rosa na si Romualdez ang nag-recruit sa ilang opisyal ng dating administrasyon na gumawa ng affidavit para idiin sila ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC.
Nakatitiyak ang senador na ni-recruit din si Police Lt. Colonel Jovie Espenido para magsinungaling sa Kamara at akusahan siya na nagpapatay ng mga drug suspect.
Sumumpa pa si Dela Rosa sa Diyos na kahit kailan ay hindi siya nagbigay ng quota at lalo ng reward money sa makapapatay sa mga kabilang sa narco-list ni dating Pangulong Duterte.
Samantala iginiit naman ni Sta. Rosa, Laguna Representative Dan Fernandez na unfair at hindi totoo ang akusasyon ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa na si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang nasa likod ng Quad Committee na siyang nag-iimbestiga sa illegal drugs, Philippine Offshore Gaming Operators o POGO at extra-judicial killings.
Diin ni Fernandez, hindi kayang diktahan at utusan ni Romualdez ang nasa 300 miyembro ng Kamara para gamitin sa layuning pampulitika.
Sabi ni Fernandez, nauna ng inimbestigahan ng magkakahiwalay ng Committee on Human Rights, Committee on Dangerous Drugs at ng pinamumunuan niyang Committee on Public Order and Safety ang nabanggit na mga isyu.
Binanggit ni Ferdinandez, na noon pa man ay naisipan na nila nina Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers at Manila Representative Bienvenido Abante Jr., na pagsamahin ang imbestigasyon nilang ginagawa dahil magkakaugnay.
Hanggang sa isulong ito ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Representative Aurelio “Dong” Gonzales Jr., na inaprubahan naman ng mga kongresista.
Nilinaw din ni Fernandez na hindi nila niluluto ang mga testimonya at ebidensya sa pagdinig at hindi rin nila dinidiktahan ang kanilang mga testigo at resource person dahil kusang loob silang nagsasalita lalo na ang mga nakikipagtulungan sa kanilang imbestigasyon.
Kinumpirma din ni dating Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo na nagpulong sila kahapon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunpaman, sinabi ni Panelo na ang tanging napag-usapan nila ng dating pangulo ay ang imbitasyon ng quad committee kaugnay sa isyu ng war on drugs.
Dagdag pa ni Panelo, sinabi ni PRRD na pawang mga hearsay lang ang mga ipinahayag sa quad committee.
Hindi rin naman umano napag-usapan ang kaso ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) dahil naglabas naman na ng statement is PRRD kaugnay dito.
Tinawag naman ni Panelo na unconstitutional at assault ang ginawang paglusob ng sangkatirbang pulis sa KOJC compound.
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.