Serye ng direktiba ipinalabas ni Mayor Honey dahil sa bagyong ‘Enteng’
Advertisers
NAGPALABAS si Manila Mayor Honey Lacuna ng serye ng direktiba kaugnay ng masamang lagay ng panahon dahil sa bagyong ‘Enteng’.
Sinabi ni Lacuna na bagama’t sinuspinde ng Malacañang ang trabaho sa gobyerno sa National Capital Region ganap na 8:30 am, nanatili naman ang skeletal manpower sa mga tanggapan sa Manila City Hall na may kinalaman sa pagbibigay ng serbisyo sa panahon ng kalamidad at emergency situations. Ipinaubaya naman ng alkalde sa mga pribadong tanggapan kung magsususpinde sila ng trabaho o hindi.
Inutos ng alkalde ang suspension ng pasok sa lahat ng levels sa parehong pribado at pampublikong paaralan.
Pinakilos din ng lady mayor ang lahat ng anim na pinatatakbong ospital ng lungsod pati na ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa pamumuno ni Arnel Angeles, Department of Engineering and Public Works sa ilalim ni Engr. Armand Andres at ng social welfare development office na pinamumunuan ni Re Fugoso.
Ang department of public services ay inatasan para mag-assist sa MDRRMO at Engineering Office sa clearing ng daan at mga bumabagsak na puno at iba pang obstruction na maaaring magdulot ng baha.
Inatasan na ding ilikas ang mga pamilya sa mga lugar na labis na nasalanta ng bagyo at dinala sa ligtas na lugar.
Personal namang binisita ni Lacuna ang mga apektadong lugar kabilang na ang mga Barangays 101 at 128 sa Tondo gayundin sa Baseco at Isla Puting Bato,
Pinayuhan din ng alkalde ang mga residente na tandaan ang mga emergency hotlines kung saan pwedeng itawag ang mga aksidente, humingi ng tulong at saklolo upang matiyak ang kanilang kaligtasan. Maliban sa nakatalagang tanggapan sa City Hall maari ding hingan ng tulong ang Bureau of Fire Philippines -NCR, Manila City at ang tanggapan ng Manila Police District Director Gen. Arnold Thomas Ibay.
Pinayuhan din ang mga residente na maghanda sa posibleng brownouts dala ng banayad at malakas na pag-ulan dahil sa tropical depression. (ANDI GARCIA)