Advertisers
KAHIT kami ay nagulat. Dahil inihalal ng sambayanan sa ilalim ng Uniteam tiket na kasama ang pangkat Davao City na walang ginawa kundi patayin ang mga taong pinaghinalaan na adik at tulak sa droga at dambungin ang kaban ng bayan, inakala namin na ipagpapatuloy ng administrasyong BBM ang mga polisiya ni Gongdi. Hindi ito ang nangyayari.
Pagkatapos ng state visit ni BBM sa Peking noong Enero, 2023, biglang kumambiyo si BBM. Hinarap ni BBM si U.S. Defense Secretary Lloyd Austin na dumating sa bansa noong Pebrero upang bigyan ng laman ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDSA), ang tratado na bumuhay sa military alliance sa pagitan ng Estados Unidos at Filipino.
Binuo noong 2014 ang EDCA ngunit hindi agad nabigyan ng laman ng dalawang bansa. Inupuan ni Gongdi ang kasunduan at natulog ito sa kanyang hapag. Ito ang nais ng China na tuluyan na itong iwaksi ang Filipinas. Nag-iba ang ihip ng hangin nang maupo si BBM. Laking mangha ni Gongdi nang dumating si Austin sa bansa upang ayusin ang tratado.
Hindi alam ni Gongdi na inayos ng magkabilang panig ang EDCA. Pumili sila ng siyam na base militar sa bansa upang magamit na base militar ng magkabilang panig upang “harapin” ang banta ng anumang pagsalakay na manggaling sa “labas” ng Filipinas. Kung susuriin, walang ibang bansa ang magbibigay ng panganib kundi ang China.
Ito ang dahilan upang piliin ng dalawang bansa ang mga base militar na nakaharap sa Taiwan at South China Sea. Kung may gagawin kalokohan ang Peking, kagyat silang haharapin ng magkasamang puwersa ng Estados Unidos Unidos at Filipinas. Ito ang dahilan kung bakit hanggang banggaan ng sasakyan lang ang ginagawa ng China sa West Philippine Sea.
Lubhang takot gumamit ang China ng pumuputok na armas sapagkat ito ang harapang tanda ang hayagang digmaan na magiging batayan upang buhayin ang Mutual Defense Treaty kung saan obligado tumulong ang Estados Unidos sa Filipinas. Hindi nais ng China na digmain ang mas malakas na bansa tulad ng Estados Unidos. Ang kaya lang nilang digmain ay ang mga mahihirap at walang lakas tulad ng Filipinas.
Hindi pa ito tapos. Inumpisahan ni Gongdi at mga kapanalig na taga-Davao City ang kampanya upang buhayin ang polisiya ni Gongdi sa ilegal na droga. Ginamit ni Gongdi si Bato dela Rosa at Bong Go upang kalampagin si BBM na buhayin ang polisiya ni Gongdi na pinapatay ang mga sangkot sa droga. Hindi ito kinagat ni BBM.
Ibinasura ni BBM ang polisiya ni Gongdi na batay sa extrajudicial killings (EJKs). Maaaring ibintang ang lahat ng krimen sa mukha ni BBM. Ngunit hindi siya mamamatay tao. Hindi siya tulad ni Gongdi na pumapatay ng mga mahihirap at walang lakas. Layunin ni BBM na makita ng sambayanan na hindi siya tulad ni Gongdi.
May mga polisiya si Gongdi na hindi sinunod ni BBM at tuluyang tinalikuran. Hindi hayagang kinalaban ang democratic opposition at kahit ang puwersang Kaliwa. Hindi binigyan diin ang pagkakaiba ng kanilang paninindigan sa mga usapin ng bayan. Kung maaari, mas binigyan ng diin ang puwang na mas magkakaisa ang mga puwersa. Ito marahil ang dahilan kung bakit nagkakatulungan sila tuluyang ibagsak ang maingay na puwersa ng Davao City.
Ito ang mga dahilan kung bakit mas mayroon suporta si BBM kung ihahambing sa puwersa ng Davao City. Nagkakasundo ang puwersa ni BBM at ang democratic opposition sa pangunguna ni Risa Hontiveros at Sonny Trillanes na ang Tsina ang pangunahing banta sa ating pambansang seguridad at balakid upang matamasa natin ang biyaya ng karagatan.
Ito rin ang dahilan kung bakit sumama ang kilusang Kaliwa sa kampanya ni BBM at democratic Opposition na hindi makukuha sa patayan ang pagsugpo sa droga. Kontra mahirap ang polisiya ni Gongdi sa pagsugpo sa droga sa pamamagitan ng EJK. Lumalabas na walang suporta si Gongdi sa larangan ng pulitika. Nalaos na ang matandang sumpungin na ang tanging alam ay pumapay ng walang lakas.
Ito rin ang mga dahilan kung bakit sinabi namin minsan na pagtitiyagaan na lang namin si BBM imbes na suportahan ang tila nababaliw at kulang sa talino na grupong Dabaw. Mga kriminal ang bumubuo ng grupong iyan at hindi namin nais na patuloy na maghari sa bansa ang mga kriminal. Pagtitiisan na lang namin si BBM dahil mas mayroon makabuluhan ambag ang kampo niya kesa kay Gongdi.
***
KAPANSIN-PANSIN ang hindi pagtalakay sa usapin ng pagbabalik ng Filipinas sa Rome Statute, ang tratado ng maraming bansa na bumuo sa International Criminal Court (ICJ). Matatandaan na walang kaabog-abog na tumiwalag ang Filipinas sa Rome Statute. Utos ni Rodrigo Duterte ang pagtiwalag at tanging siya at ang kanyang tagapayo tulad ni Harry Roque ang nagdesisyon sa pagtiwalag. Hindi ito sumailalim ng anumang talakayan.
Dahil naharap siya ng demandang crimes against humanity sa ICC, iniutos ni Duterte ang pagtiwalag kahit walang malinaw na batayan. Kapritso ito ni Duterte. Mabuti na lamang at umusad ang mga demanda na iniharap ni Sonny Trillanes at Gary Alejano at ilang NGO sa ICC. Ngayon, kasalukuyan kumikilos ang demanda at uumpisahan anumang oras mula ngayon ang formal investigation. Matindi ang kaba ni Duterte at ang 63 opisyal na sangkot dahil maaari silang iutos na hulihin at dalhin sa The Hague kung saan naroroon ang kulungan ng ICC. Pilit nilang itinatanggi na walang poder ang ICC upang litisin sila.
Maganda sana kung itatanong ang posisyon ng DFA tungkol sa mungkahi na bumalik ang Filipinas sa Rome Statute. Magandang malaman ang pananaw ni Manalo at DFA dahil hindi pinag-isipan ng maayos ang pagkalas sa Rome Statute. Tulad ng sinabi ko, kapritso lang ni Duterte ang desisyon. Alam ng bansa ang pagiging sumpungin ng dating pangulo.
***
Email:bootsfra@gmail.com