Advertisers
Nasawi ang 29-anyos na ginang nang bigtihin ng mister sa harap ng kanilang 4-anyos na anak na lalaki sa loob ng bahay sa Zone-6, Brgy. Tinorongan, Camarines Sur.
Patay na nang datnan ng mga pulis habang nakabigti at natatalian ng nylon na lubid sa leeg na itinali naman sa kabilang dulo sa beam o biga ng bahay ang biktima na kinilala lamang sa pangalang “Nica”.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga kasapi ng Sangay Municipal Police Station hinggil sa natagpuang babae na nakabigti sa loob ng kanilang bahay.
Agad namang rumesponde ang mga pulis at SOCO team at sinabi pa umano ng kinakasama ng biktima na si Waldo, 27-anyos, na nakita na lang niyang nakabigti ang kanyang maybahay 6:25 ng umaga.
Sa imbestigasyon ng mga pulis, lumabas na sinakal mismo ng lalaki ang kanyang kinakasama gamit ang naturang lubid sa harap mismo ng kanilang paslit na anak hanggang sa malagutan nang hininga ang ginang.
Inaresto ang mister at nakatakdang sampahan ng kasong pagpatay.
Inaalam pa ang motibo ng mister sa ginawang pagpatay sa kanyang misis.