Advertisers
Kabi-kabila ang naiulat na pagbaha sa maraming lugar sa Bicol Region sanhi ng malalakas na bagsak ng ulan dala ng papalapit na bagyong “Kristine” dahilan para libu-libong katao ang inilikas sa mga lalawigan ng Sorsogon, Albay, Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte at ilang bahagi ng Masbate.
Sa ulat ng Office of Civil Defense-V sa pangunguna ni regional director Claudio Yucot, umabot na sa 195 pamilya o 740 indibidwal ang inilikas sa ligtas na mga lugar.
Tatlo ang naitalang patay habang anim pa ang sugatan sa pananalasa ng bagyong ‘Kristine’ sa Bicol Region, ayon sa Police Regional Office (PRO) 5.
Base sa situational report na inilabas ng PRO 5, ang mga nasawi patuloy pa ring biniberipika ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council.
Bukod dito mayroong isa pang nawawala ayon pa sa ulat.
Umaabot naman sa 67,733 indibidwal o katumbas ng 20,662 katao ang patuloy na nasa evacuation centers, haabang nasa 303 barangays naman mula sa pitong lalawigan sa Bicol Region ang patuloy pa rin baha hanggang sa kasalukuyan.
Nasa 20 lugar naman sa Bicol Region ang nagtala ng landslide kung saan pinakamarami ang Albay na mayroong 10 lugar, 4 sa Sorsogon, 3 sa Camarines sur, 2 sa Camarines Norte at 1 sa Catanduanes.
Nagpatupad rin ng evacuation sa may mahigit 1-libong residente sa mga lugar malapit sa Mt. Mayon makaraang magpalabas ng advisory ang Philippine Insitute of Volcanology and Seismology sa malaking peligro ng pagragasa ng lahar dahil saturated na ng tubig ang katawan ng bulkan.
Maraming lugar sa lalawigan ang binaha at nagkaroon ng landslide dahilan para maapektuhan ang mga pananim, kabuhayan at imprastruktura. Gaya sa Brgy. Pantao ng Libon na umabot hanggang leeg ang baha habang sa Brgy. Nagas ng Tiwi ay inilikas ang mga residente dahil sa biglang pagtaas ng tubig na umapaw sa malaking ilog.
Napasugod naman si Polangui Mayor Adrian Salceda, nang magka-landslide sa Brgy. Sugcad at natabunan ang kalsada at hindi madaanan patungo sa mga upland barangay ng bayan. Ilang bahay ang nasira dahil sa paguho ng lupa.
Sa tala ng OCD-V, umabot sa 2,450 pasahero ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa rehiyon. Pinakamarami sa Matnog Port na umabot sa 1,143; Tabaco Port na may 752 at Pio Duran Port na may 272. Nasa 150 na trucks at 5 bus ang nakapila sa mga highways habang 25 barko ang hindi nakapaglayag dahil sa sama ng panahon.