Advertisers
UMAKYAT na sa 90 ang napaulat na mga nasawi sa pananalasa ng bagyong ‘Kristine’ sa bansa.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), isasailalim pa sa validation ang naturang bilang ng mga nasawi.
Habang mayroon ding naiulat na 36 na nawawala habang 71 ang mga nasaktan.
Umaabot naman sa mahigit isang milyong pamilya o katumbas ng mahigit 5.7 milyong indibidwal ang apektado ng bagyo mula sa 71 probinsya sa bansa.
Sa nasabing bilang, mahigit 382,000 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa iba’t ibang evacuation centers sa bansa.
Samantala, base pa sa datos ng NDRRMC, umabot na sa 158 na kabuuang lugar ang nagdeklara na ng ‘state of calamity’ pagkatapos masalanta ng bagyong ‘Kristine’.
Samantala, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Sabado, 21 na mga daan pa rin ang patuloy na nakasara.
Magbibigay naman ng P1.5 million na financial assistance ang ahensya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga nasalanta na lugar sa Bicol Region at Calabarzon.
Higit P2-B na pinsala sa mga public schools sa buong bansa kay Kristine
UMABOT na sa mahigit P2 bilyon ang pinsala sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa matapos manalasa ng Severe Tropical Storm Kristine kung saan nag-iwan pa ito ng halos isang libong pasilidad sa elementarya at high school na kailangan ayusin.
Lumalabas sa datos ng Department of Education (DepEd) nitong Sabado, 730 na paaralan ang nasira dahil sa pagbaha at 34 na paaralan, karamihan sa Bicol Region, ang tinamaan ng landslide.
863 na nawasak na silid-aralan ang nangangailangan ng pagsasaayos na nagkakahalaga ng P2.1 bilyon at 1,026 na silid-aralan ang nangangailangan ng major repairs na nagkakahalaga ng P513 milyon.
Nawalan din ang mga paaralan ng 381,551 ng mga materyales sa pag-aaral kabilang ang mga computer at libro at 17,575 school furnitures, tulad ng mga mesa, appliances at upuan.
Sa kabuuan, sinabi ng DepEd na halos 43,000 mga paaralan at opisina ang na-expose sa bagyo, ibig sabihin ay nasa loob sila ng mga lugar kung saan nagbigay ng babala ang mga awtoridad laban sa pagbaha, malakas na pag-ulan, storm signal at panawagan para sa pre-disaster risk assessment.
Ayon sa DepEd, nasa 21.4 milyong estudyante at halos 900,000 mga guro at manggagawa sa paaralan ang nasa mga lugar na ito.
Nauna nang sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na ang DepEd ay may access sa P2 bilyon hanggang P3 bilyon para sa calamity funds na maaaring gamitin sa pagkukumpuni at pag-rehabilitate ng mga nasirang silid-aralan.
P143.47M na pinsala sa agrikultura ni Kristine – DA
LUMAWAK pa ang pinsalang iniwan ng bagyong Kristine sa sektor ng agrikultura sa bansa.
Sa panibagong datos na inalabas ng Department of Agriculture (DA), sumampa na sa P143.47 million ang halaga ng danyos sa mga sakahan.
Bunsod nito, apektado ang nasa 4,798 magsasaka at 3,358 ektarya ng agricultural areas sa Cordillera Administrative Region, Central Luzon, Mimaropa, Bicol Region, Western at Eastern Visayas, at Soccsksargen, na nagresulta sa pagkawala ng produksyon na 8,600 metric tons (MT).
Ayon sa DA, tinatayang 8,265 MT ang pagkalugi sa produksyon para sa palay (unhusked rice), 187 MT para sa high-value crops, 102 MT para sa mais, at 46 MT para sa cassava.
Bilang tugon, sinabi ng DA na nagbigay ito ng P531.72 milyong halaga ng agricultural input mula sa mga field office nito para sa mga apektadong rehiyon at P1 bilyon sa pamamagitan ng Quick Response Fund upang tulungang makabangon ang mga apektadong lugar.
Nakatanggap din ang Agricultural Credit Policy Council’s Survival and Recovery Loan Program ng P500 milyon mula sa DA para makapag-loan ang mga magsasaka ng hanggang P25,000, na maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon nang walang interest.