Advertisers
KINUMPIRMA ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang pagdalo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa madugong giyera kontra droga ng nakaraang administrasyon ngayong araw ng Lunes, Oktubre 28.
Ginawa ng senador ang kumpirmasyon matapos ibahagi ang isang litrato kasama ang dating pangulo at kanyang asawa na si Honeylet Avanceña, at dating House Speaker Pantaleon Alvarez.
Ayon kay Dela Rosa, sinabi rin sa kanya mismo ni Duterte na sisipot siya sa pagdinig, sinuman ang manguna rito.
Samantala, inihayag ni Senate Minority Leader Koko Pimentel III na itutuloy ng Senado ang imbestigasyon sa war on drugs ng Duterte Administration dumalo o hindi si dating Pangulong Duterte ngayong araw.
Giit ng senador, higit sa 30 ang kanilang inimbitahan sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee at marami ang babyahe para makadalo sa hea-ring.
Hindi maho-hostage aniya ang pagdinig sa war on drugs dahil lamang sa kawalan ng presensya ng isang tao.
Bagama’t aminado si Pimentel na mahalaga ang magiging testimonya ni Duterte pero hindi naman niya kontrolado ang kilos ng dating punong ehekutibo lalo’t malayo rin ito sa Maynila.
Plano naman ni Pimentel na tapusin ang imbestigasyon bago matapos ang taong ito.