SINABI ni Colonel Melecio M. Buslig, Jr, director ng Quezon City Police District (QCPD), ang pagkaaresto sa isa sa mga suspek sa brutal na pagpatay sa isang security guard ng Ford Balintawak na si Alfredo Valderama Tabing noong Disyembre 25, 2023 sa Quezon City.
Matatandaan na umaga ng araw ng kapaskuhan nang pinaslang ang naka-duty na guwardiya sa papamagitan ng pagpugot sa ulo nito.
Ayon sa QC Police, ang pagkakahuli sa salarin ay pinangunahan ng Kamuning Police Station 10 sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Col. Leonie Ann Dela Cruz.
Kinilala ang akusado na si Michael Caballero , 47 anyos, Top 1 District Level Most Wanted Person, isang sales driver na residente ng Barangay Balong-Bato, Quezon City.
Naaresto si Caballero Oktubre, 28, 2024, 9:00 ng umaga sa loob ng Branch 87, Regional Trial Court (RTC), Hall of Justice, Annex Building ng Quezon City Hall Complex, Barangay Central, Quezon City.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Police Station 10 na si Caballero ay nasa Quezon City Hall of Justice kasama ang kanyang abogado, para boluntaryong sumuko. Agad kumilos ang mga operatiba, at sa pakikipag-ugnayan sa RTC Branch 87, kinumpirma ang presensya ni Caballero bago siya arestuhin sa bisa ng mga Warrant of Arrest na inisyu Set. 10, 2024.
Nahaharap si Caballero sa mga kasong Robbery with Homicide at carnapping kungsaan walang piyansang inirekomenda ang korte. (Boy Celario/Almar Danguilan/Ernie dela Cruz)