PANGALAWA umano sa may pinakamalaking problema sa ipinagbabawal na gamot ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency-BARMM spokesperson Jocelyn Mary, sumusunod ang rehiyon sa National Capital Region (NCR) sa talaan ng mga most-drug affected region sa buong bansa.
Aniya, simula Enero nitong taon, umaabot na sa 32 kilo ng shabu ang kanilang narekober sa serye ng mga anti-illegal drug operation sa rehiyon.
Pinaniniwalaang mas marami pa aniya ang hindi nadiskubre ng mga awtoridad, lalo na sa mga liblib na lugar ng Bangsamoro region.
Kaugnay nito, nanawagan ang opisyal sa kooperasyon ng publiko, kasama na ang Moro Islamic Liberation Front at mga local government official sa pagpapaigting ng barangay drug clearing program ng pamahalaan.