Timbog ang dalawang high value individual nang masakote ng Station Drug Enforcement Unit sa ikinasang buy- bust operation sa Caloocan, Linggo ng madaling araw.
Kinilala ang mga naaresto na sina alias “Lubay,” 24, ng Bulacan; at alias Jen, 25, residente ng San Jose Del monte Bulacan.
Sa ulat ni Caloocan police chief PCol Paul Jady Doles kay Northern Police District Director PCol. Josefino Ligan, ala-1:25 ng madaling araw ng arestuhin sa Sampaguita Street, Libis Camarin Barangay 175 Caloocan City, ng operatiba ng Station Drug Enforcement Unit ang mga suspek.
Ikinasa ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkaaresto ng mga suspek nang maaktuhang nagbebenta ng marijuana sa isang pulis na nagpanggap na poseur buyer.
Nakumpiska ang isang brick ng pinatuyong dahon na may fruiting tops na marijuana na nasa One Thousand one grams (1,001) at may Standard Drug Price na Php 120,120.00, isang pulang Honda Click motor na may plakang 148- UXI, at Photocopy ng Certificate of Registration.
Nahaharap sa kasong paglabag sa R A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang dalawang suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.(Beth Samson)