Advertisers
Arestado ang 40-anyos na ina nang ireklamo ng pananakit ng kanyang menor de edad na babaeng anak sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM), Bulacan.
Kinilala ang naaresto na si alyas Igo habang ang biktima itinago sa pangalang Kang, 16, estudyante, kapwa residente ng Brgy. Fatima IV.
Sa report ng SJDM police station, naganap ang insidente ala-1:00 ng tanghali noong Nobyembre 23 sa nabanggit na lugar.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa mauwi ito sa pananakit ng ina sa kanyang anak.
Dahil dito, humingi ng saklolo ang biktima sa kanyang tiyahin na nagsumbong naman sa kanilang barangay na agad rumesponde sa lugar kaya nahuli ang suspek at isinuko sa pulisya kalaunan.
Sinabi ng biktima sa mga awtoridad na maikli ang pasensiya ng kanyang ina sa mga maliliit na isyu kaya madalas siyang saktan at ang kanyang mga nakakababatang mga kapatid.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 7610 (Physical and Psychological Abuse) habang nakakulong sa naturang istasyon.