Advertisers

Advertisers

PHilHealth gamit ni Digong sa paglihis sa mga isyu vs VP Sara

0 21

Advertisers

NOONG nagpa-midnight presscon si former President Rodrigo “Digong” Duterte para batikusin ang aniya’y maling pamamahala ng administrasyon sa PhilHealth funds, klaro na hindi ito tungkol sa paghahanap ng katotohanan. Dito’y nagparatang siya upang subukan ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga isyung kinahaharap ng kanyang anak, Vice President Sara Duterte-Carpio.

Walang basehan ang alegasyong ninakaw ang P90 bilyon mula sa PhilHealth. Ang totoo, ang P60 bilyon ay idle o hindi nagamit na pondo – hindi mula sa kontribusyon ng mga miyembro kundi mula sa annual subsidy ng gobyerno – at ito’y isinauli sa National Treasury alinsunod sa General Appropriations Act of 2024.

Hindi nasayang ang pondo dahil ginamit ito sa pagbayad ng COVID-19 allowances ng frontliners, pagtaas ng sweldo ng mga empleyado ng gobyerno at pagpapagawa ng mga pangunahing proyektong pang-imprastruktura.



Sa kasalukuyan, ang PhilHealth ay may reserbang P500 bilyon, at pinalawak nito ang mga benepisyo. Sa kabila ng kontrobersya, tinaasan ng PhilHealth ang case rates, pinahusay ang healthcare packages at sinaklaw ang mga sakit tulad ng breast cancer at malubhang dengue. Ang ganitong uri ng transparency at aksyon ang kailangan ng bawat Pilipino. Mismo!

Hindi itinatago ng Department of Finance kung saan napunta ang P60 bilyon na idle funds. Ang P27.5 bilyon ay ibinayad para sa overdue nang COVID-19 allowances ng frontliners. Ginamit naman ang higit P40 bilyon para sa salary increase ng government workers, habang ang iba pang pondo ay nailaan para sa mahahalagang imprastruktura. That’s it, mga pare’t mare…

Oo! Malaki ang naging pagbabago sa mga benepisyong hatid ng PhilHealth. Ang dialysis benefits ay naging 156 sessions (mula sa dating 90), at ang bawat sesyon ay nagkakahalaga ng P6,350 (mula sa dating P2,600) o halos P1 milyon kada pasyente.

Ang coverage para sa breast cancer ay tumaas sa P1.4 milyon mula P100,000 kada pasyente. Ang benepisyo para sa malubhang dengue ay tumaas ng 200% sa P47,000 mula P16,000. Ang primary care benefits sa ilalim ng PhilHealth Konsulta ay tumalon sa P1,700 mula P500 kada indibidwal. Ang coverage para sa stroke, asthma, at neonatal sepsis ay dumoble o na-triple. Galing, di ba?

Maging tagasuporta man ng administrasyon o hindi, hindi maitatanggi ang datos. Ang pagpapalawak ng serbisyo ay isang patunay na gumagawa ng mga hakbang ang gobyerno upang maging para sa lahat ang serbisyong pangkalusugan.

Direktang nakikinabang ang mamamayan kapag maaayos at transparent ang pamamahala ng pondo.



Sa kabilang banda, si VP Sara ay panay ang iwas na maipaliwanag ang confidential funds ng kanyang tanggapan. Sa kabila ng panawagan ng marami, tumanggi siyang humarap sa Kongreso upang sagutin kung saan at paano niya ginastos ang milyun-milyong pisong pondong ito.

Nakakabahala na ang kanyang pagmamaang-maangan at ang kawalan ng transparency. Mismo!

Ang administrasyon ni PBBM ay bukas sa paglalahad kung saan napunta ang PhilHealth funds, samantalang ang kampo ng mga Duterte ay tila abala sa pag-iwas at paglikha ng mga kaguluhan at drama upang mapagtakpan ang kanilang mga kamalian.

Panahon na para tigilan ni Digong ang pambabaliktad, at panahon narin para harapin ni Sara ang mas mahahalagang tanong. Tama!!!

***

Nanawagan nitong Huwebes si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. sa Kongreso na ‘wag nang patalsikin o i-impeach si VP Sara. Waste of time at waste of people’s money lang daw ito. Hindi aniya importante si Sara, ang mga Duterte. Ang mas mahalaga ay ang tutukan ang mga programa ng gobyerno upang mapalago pa ang ekonomiya ng bansa at bumuti ang kabuhayan ng mga Filipino. Ayos!