HINDI maitatatwa na sa gitna ng mabilis na pagbabago sa mundo, nananatiling pundasyon ng ating bansa ang agrikultura, isang sektor na bagama’t madalas ay nasa laylayan ng talakayan, ay siyang nagbibigay-buhay sa milyun-milyong mga Pilipino.
Habang umuusad ang kanyang administrasyon, muling pinatunayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang pagkilala sa kahalagahan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng mga makabuluhang hakbang tulad ng pagtatatag ng mga “community gardens” at ang makasaysayang pamamahagi ng Certificates of Condonation and Release of Mortgage (COCROM) sa CALABARZON.
Sa kanyang talumpati sa Quezon, binigyang-diin ni PBBM ang mahalagang papel ng agrikultura, hindi lamang sa mga rural na lugar kundi pati na rin sa mga urban areas.
Ang panawagan ng Pangulo para sa pagtatatag ng mga community gardens sa mga paaralan, tahanan, at komunidad ay higit pa sa simpleng proyekto. Ito’y dahil itinataguyod nito ang ideya ng self-sufficiency at nagbibigay-daan sa mas madaling pag-access ng masustansyang pagkain para sa bawat pamilyang Pilipino.
Sa panahong lumalala ang isyu ng food insecurity sa buong mundo, ang community gardening ay isang malikhaing tugon.
Bukod sa pagbibigay ng pagkain, itinutulak ng Chief Executive ang bayanihan at kooperasyon sa pagitan ng pamahalaan, pribadong sektor, at mga mamamayan. Sakaling maisakatuparan, magiging patunay ang programang ito na ang pagtutulungan ay hindi lamang susi sa pagsulong ng ekonomiya kundi maging sa pagbuo ng mas masigla at matibay na komunidad.
Samantala, pinangunahan ng Pangulo ang pamamahagi ng mahigit 11,000 COCROMs at e-titles sa Quezon nitong Biyernes, Nobyembre 29, na nagdala ng bagong yugto ng pag-asa para sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs).
Sinasabing ang ?441.71 milyon na halaga ng condonation ay hindi lamang isang numero dahil ito ay simbolo ng kalayaan mula sa bigat ng utang at ang pagkakataong makapagsimula muli para sa mga magsasaka.
Ang programang ito, na alinsunod sa New Emancipation Act, ay nagpapakita ng mas malalim na pag-unawa ng administrasyong Marcos sa tunay na pangangailangan ng mga magsasaka.
Sabi nga, hindi raw sapat ang pamamahagi ng lupa. Masasabi kasi na ang pagpapalakas ng produksiyon sa agrikultura, pagbibigay ng access sa mga makabagong teknolohiya, at pag-alis sa mga pasaning pinansyal ng mga magsasaka ay mahalaga upang tunay na maging makabuluhan ang agrarian reform.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang repormang pansakahan ay hindi lamang simpleng pagbibigay ng lupa dahil ito ay isang pangakong dapat tuparin ng gobyerno para sa mas maunlad na kinabukasan ng mga Pilipino.
Sa pamamagitan naman ng mga community gardens at mga programang tulad ng COCROM, ipinapakita ng administrasyon ang isang malinaw na direksyon gaya ng pagbibigay halaga sa kapakanan ng mga magsasaka bilang pangunahing haligi ng ekonomiya at tagapagtaguyod ng food security.
Hindi lamang ito pagtugon sa pangangailangan ng kasalukuyan, ito rin ay isang pamumuhunan para sa kinabukasan ng bansa.
Tunay na sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Marcos, muling binibigyan ng pagkilala at pagpapahalaga ang mga magsasaka, mga bayaning madalas nakakaligtaan, ngunit siyang tunay na tagapagdala ng pag-unlad.
Seryoso ang pagsisikap ng administrasyong Marcos na pagyamanin ang sektor ng agrikultura.
Aba’y sa pamamagitan ng makabago at inklusibong mga programa, hindi lamang natutugunan ang kasalukuyang hamon sa food security, kundi naitatatag din ang isang mas matibay at mas maunlad na bansa.
Kaya sa patuloy na suporta at kooperasyon mula sa lahat ng sektor, tiyak na mararating natin ang pangarap na masagana at masustansyang kinabukasan para sa bawat Pilipino.
*
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at [email protected] or through this number: 0991-3543676.