Advertisers
Ni Rommel Placente
SA guesting ni John Arcilla sa Fast Talk With Boy Abunda, hiningan siya ni Kuya Boy ng opinyon kung dapat nga bang makipagsapalaran ang mga celebrities sa pulitika, o manatili na lamang sa napili nilang karera.
Sabi ni John, “Lahat ng tao ay may karapatan na tumakbo sa pulitika at maging opisyal. Kesyo artista ka o hindi artista. Ang tanong, bakit ka nandyan at pupunta sa pulitika? Para ba talaga maglingkod, o para yumaman dahil wala kang pinagkakakitaan?”
Ang ilan sa mga artistang sasabak sa 2025 midterm election ay sina Nora Aunor, Arron Villaflor, Phillip Salvador, Marjorie Barretto, Willie Revillame, Ara Mina, at marami pang iba.
Nabanggit pa ni John ang famous lines niyang, “Bayan o sarili, pumili ka?” at sabay sabi na sakaling yumaman ang isang pampublikong opisyal habang siya ay nasa pulitika, nangangahulugan ito na hindi niya ginagawa ang kanyang trabaho nang tama.
Ibinunyag din ng batikang aktor na ilang beses na rin daw siyang inaalok ng pwesto sa lokal na pamahalaan.
“Nakarating ako sa edad na ito na tinanggihan ko lahat ng invitation sa akin. Nakatanggap ako at tatakbo pa nga dapat ako [bilang] konsehal sa Parañaque, na-save ako dun sa crisis na desisyon na ‘yun dahil naawa lang ako dun sa nagpipilit sa akin na congressman na sumama ako,” pag-alala niya.
Kwento niya, “Buti na lang na meron akong program ‘nun sa TV na hindi pala ako pwedeng mag-campaign na habang ako ay nasa telebisyon. Eh na-tape na ‘yun, hindi na pwedeng burahin ‘yung mga eksena ko at pag binura ‘yun sira ‘yung buong kwento so I was saved by that particular incident in my life,” aniya pa.
***
AYON sa mga tagahanga ng tambalang Kathryn Bernardo at Alden Richards na KathDen fans, nasa tamang tao na raw si Kathryn. Na ang tinutukoy nila na tamang tao ay si Alden.
Parang pinapalabas talaga nila na magkakaroon ng relasyon ang KathDen.
Hiling nga nila, na magpatuloy ang magandang samahan ng dalawa, kahit na natapos na nilang gawin ang Hello, Love, Again.
At ang nakakatuwa, ikinukumpara ng mga faney ng KathDen, ang mga videos nina Kathryn at Alden na lumalabas ngayon, sa mga videos ng KathNiel noon.
Ayon sa KathDen fans, kitang kita raw kung paano magpakita ng sweetness si Alden kay Kath. At may respeto raw ang una sa huli at gentleman si Alden.
Sa videos daw ng KathNiel, may isa raw dito na makikitang inaambaan ni Daniel si Kath. At meron din daw na ipinapakita ang simpleng pagbusangot ni Daniel sa interview sa kanila ni Kath nang mabanggit ang pangalan ni Alden.
Ano kaya ang masasabi ng KathNiel sa hanash ng KathDen fans?