LIMANG batayan na nakasaad sa konstitusyon ang nakasaad sa 33-pahinang impeachment complaint na inihain ngayon sa Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ito ni dating Senator Leila de Lima ng Mamamayang Liberal o ML Party-list na siyang tumatayong spokesperson ng mga naghain ng impeachment complaint.
Ayon kay De lima, kabilang dito ang culpable violation of the constitution, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust and other high crimes.
Sabi ni De Lima, 24 naman ang articles of impeachment, kung saan kasama ang kwestyunableng paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Binanggit din ni De Lima ang pagbabanta ni VP Sara sa pangulo gayundin ang pagkakasangkot umano nito sa mga extrajudicial killings (EJKs) sa Davao sa panahon na siya ang alkalde ng lungsod.
***
Samantala tumanggi naman ang ilang mga senador na magbigay ng komento patungkol sa inihaing impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa Kamara.
Kaninang hapon ay nagtungo sa Batasan Complex ang iba’t ibang civil society organizations, religious leaders, sectoral representatives at pamilya ng mga biktima ng tokhang para ihain ang reklamo ng pagpapatalsik laban sa bise presidente.
Subalit “no comment” naman ang ilang senador sa development na ito.
Isa na riyan si Senate Minority Leader Koko Pimentel na ayaw magkomento hinggil sa impeachment complaint na inihain laban kay Duterte dahil silang lahat na mga senador ay tatayo bilang judge o hukom oras na iakyat ng Kamara sa Senado ang nasabing reklamo.
Nauna namang sinabi ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada na hindi pinag-uusapan ng mga senador ang tungkol sa impeachment complaint laban kay VP Duterte at saka lamang sila makikialam dito kapag isinumite na sa Senado ang reklamo.
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email [email protected]/[email protected].