SA mga naglalabasang negatibong isyu ngayon laban sa Tanggapan ng Bise Presidente, napakaraming dapat ipaliwanag ni Sara Duterte-Carpio.
Oo! kung talagang malinis ang kanyang konsensiya, walang nagawang katiwalian, ipaliwanag niya isa-isa ang mga isyu laban sa kanya at makukuha niya pa ang tiwala ng mamamayan laban sa mga nag-aakusa sa kanya.
Kung sa tingin ni VP Sara ay tama ang kanyang paggastos sa kanyang daan daang milyong pisong confidential at intelligence funds mula 2022 hanggang 2023, harapin niya ng taas noo at maayos ang nanggigigil na mga miyembro ng House Quad Committee, hindi iyong iiwasan niya ang mga ito at pagmumurahin sa sariling press conference o facebook post.
Ang mga miembro ng Quad Comm na ito ay madali lang ipahiya sa madla o butatain ni VP Sara kung mayroon siyang mga ebidensiya o resibo sa mga pinaggagastusan o pinaggagamitan niya ng kanyang confi-intel funds.
Ang mga pagbubusisi na ito ng quad comm kay VP Sara ay hindi tatagal ng ganito kung nagpaliwanag siya at may resibo sa mga inaakusa laban sa kanya. Opo!
Ang problema kasi rito ni VP Sara ay wala yata talaga siyang anumang dokumento o ebidensiya na magsusuporta sa paglustay niya sa higit kalahating bilyong pisong confi-intel funds.
At siguro ang tanging paraan niya para matigil ang pagbubusisi ng quad comm ay resbakan ang mga ito ng mura, mga isyung limot na ng panahon, mga isyu na lalo lamang nagpapasama sa kanya at kanyang pamilya tulad ng sabihin niyang ipahuhukay ang labi ng ama ni President Bongbong Marcos Jr. para ipatapon sa West Philippine Sea, sabihan ang pangulo na adik, ipapapatay pati ang asawa (First Lady Liza) at House Speaker Martin Romualdez.
Kung gago lang siguro si PBBM, ipahuhukay niya sa CoA ang pinaggagastusan ng bilyon bilyong intel funds ng mga Duterte mula nang maging mayor sila ng Davao City, na sinasabing higit P10 bilyon!
Napasok sa politika ang pamilya Duterte nang si ex-President Rody Duterte ay italaga bilang vice mayor ng Davao City ni late President Cory Aquino.
Simula noon hindi na binitawan ng Duterte ang lungsod. Sila na ang vice mayor, mayor at kongresista (sa kanilang distrito). May isa lang na nakasingit na mayor at vice, ang de Guzman, na hindi naman tumagal nang pumasok na ang mga anak ni Digong na sina Polong, Sara at Baste.
Sa termino ni Sara bilang mayor ng Davao City, nabunyag ang bilyon bilyong confidential funds niya, na hanggang maging VP ay dala parin ang pagiging confi-intel funds queen. Ito ngayon ang binubusisi ng quad comm, kungsaan umiiwas si Sara sa mga pagtatanong ng mga kongresista.
Uulitin ko, kung sinasagot lang ni Sara ng maayos at may ebidensiya ang mga miembro ng quad comm, hindi tatagal ang mga pagbubusisi ng mga kongresista, bibilib pa sa kanya ang taumbayan at malamang na pagkaisahan siyang iluklok na pangulo sa 2028. Mismo!
Pero sa takbo ng imbestigasyon ngayon, kungsaan naglalabasan narin ang mga negatibong resulta ng mga pagbubusisi ng mga ahensiya ng gobierno partikular CoA sa intel and confi funds ni VP Sara, malabo nang maging pangulo pa ng bansa ang isang Duterte. Baka mabulok pa nga ito sa kulungan sa Plunder.
Subaybayan!