MATAPOS ang “moro-moro” laban sa pergalan (peryahang sugalan) ay marami ang nagulat at nadismaya sa tuloy-tuloy paring operasyon ng iligal na pasugalan sa Grace Park, Caloocan City.
Isang alyas “Delgado” ang ginagamit ang pangalan ni Caloocan City Mayor “Along” Malapitan at City Police chief Colonel Paul Jady Doles ang “bumaraso” upang hindi matigil ang mga pasugal at drug den sa siyudad.
Ibinunyag ng Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) na isang alyas “Delgado”, na nagpapakilalang isang barangay official at bata-sarado ni Caloocan City Mayor Malapitan, ang nakialam at nag-utos sa mga pulis na huwag ipatigil ang operasyon ng pergalan na may shabuhan ng maintainer na si alyas “Roger Bagong Barrio” at mga kasosyo at poste sa mga pasugalan na sina “Nesty” at “Resty”.
Iniutos ni Mayor Malapitan ang “total closure” at “stop gambling operation” sa mga pasugalan nina Roger Bagong Barrio kaya’t nagtungo ang ilang operatiba ni Col. Doles sa Grace Park upang ipatupad ang atas ng alkalde.
Ngunit sa halip na arestuhin at kasuhan sina Roger Bagong Barrio, Nesty at Resty ay nagkaroon lamang ng “photo shoot” ang mga pulis at ang tatlong naturang gambling con drugs operators, habang pansamantalang bakante ang mga mesa na gamit sa ilegal na card at table games doon.
Ang naturang mga larawan ay ginamit na ebidensya ng mga operatiba na kunwari ay napatigil nila ang operasyon ng pasugalan, kayat muling dinumog ng mga mananaya ang madadayang color games, beto-beto, cara y cruz (Tao-Ibon) at iba pang labag sa batas na pasugal.
Si Delgado, na nagpapakilalang bata-sarado at alyado sa pulitika ng mag-amang Malapitan, ang nag-utos umano sa mga pulis na huwag pansinin ang reklamo ng mga residente, mga negatibong reaksyon ng media at maging ang pagbubunyag ng Police Files Tonite laban sa talamak na pasugal at bentahan ng shabu pagkat hindi naman daw ito nakakarating kina Mayor Along, Col. Doles at National Capitol Region (NCR) Police chief BGen. Anthony Aberin.
Ipinagmamalaki pang sinabi ni Delgado na siya ang bahala sa mag-amang Malapitan. Ipinagbabanduhan din niya na hindi matatanggihan ng mga Malapitan ang kanyang (Delgado) “hirit” na huwag patitigilin ang operasyon ng pergalan pagkat naipangako na niya pati ng mga grupo ng ilegalistang pergalan operator sa Caloocan na puspusan silang tutulong para matiyak ang panalo ng alkalde at ni Cong. Oca sa kani-kanilang re-election bid sa May 2025 Election.
Sinabi ng MKKB na pangit sa imahe nina Mayor Along at ama nitong 1st District Representative Oca Malapitan ang pinaggagawang kahambugan ni Delgado pagkat ang mga Malapitan ay hinahangaang lingkod-bayan at pinupuri ng kanilang constituents dahil sa pagiging mapagpakumbaba at mahusay na pamamahala sa siyudad ng Caloocan.
Itinatakwil ng mga Malapitan ang operasyon ng anumang uri ng vices lalo pa ng pergalan na prente ng bentahan ng shabu, na taliwas sa ipinamamalita ni Delgado na pinayagan siya o binigyan ng “go signal” na padrenuhan upang ipagpatuloy ang gambling con drug operations nina Roger Bagong Barrio, Nesty at Roger sa Grace Park, ayon pa sa MKKB.
Kaugnay nito ay hiniling ng MKKB kina Mayor Along at Cong. Malapitan na gibain ang istrukturang nakalatag at ginagamit sa pergalan nina Roger Bagong Barrio, Nesty at Resty.
Nanawagan din ang MKKB na paimbestigahan ni Gen. Aberin si Col. Doles kung bakit pinayagan nito si Delgado na panatilihing bukas at nag-o-operate ng bawal na pasugal na front din ng drug pushing ang pergalan sa Grace Park ng tatlong naturang mga ilegalista. (CRIS A. IBON)