TAMA si General Romeo Brawner, ang hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na ang tanging solusyon sa mga problema ng bansa ay ang paghalal ng mga tamang kandidato.
Sa joint press conference ng AFP, Philippine National Police at Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes sa Quezon City, sinabi ni Brawner na hindi military junta o kudeta ang magreresolba sa kasalukuyang mga problema ng bansa kundi ang pagboto ng mga tamang mamumuno sa gobyerno. Mismo!
Oo! Nasa mga kamay nating botante ang paglalagay ng mga mamumuno sa ating gobyerno. Kaya kung nais natin na maging maayos ang takbo ng pamahalaan, maghalal tayo ng karapat-dapat, hindi yung porke’t sikat ay iboboto kaagad kahit na wala itong kakayahan para sa posisyon. At huwag nang maghalal ng mga kandidato na may mga kaso ng korapsyon at may tatak na ng pangungulimbat sa kaban ng bayan. Ibasura narin ang political dynasty, mga kandidatong mag-anak, na kaya ayaw bumaba sa puwesto ay dahil sa mga pinangangalagaan nilang negosyo.
Gawin natin ito sa Mayo 12, 2025. Period!
***
Walang pasok sa Lunes, Enero 13!
Naglabas ang Malakanyang ng Memorandum Circular No. 76, pinasususpinde ang pasok sa government offices at klase sa lahat ng antas para bigyan daan ang ‘Peace Rally’ na pangungunahan ng Iglesia ni Cristo (INC).
Nauna nang sinabi ng pamunuan ng INC na ang gagawin nilang rali ay para suportahan ang panawagan ni Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr. na ‘wag patalsikin o i-impeach si Vice President Sara Duterte-Carpio.
Sa rali na ito, ayon sa INC, bawal sumama sa kanila ang anumang grupo na sumusuporta sa Duterte. Mahigpit anila itong ipatutupad.
That means, bawal dito ang DDS!
Si VP Sara ay sinampahan na ng tatlong impeachment complaints sa Kamara. May pang-apat at panglima pa nga raw. Bunga ito ng mga nabunyag sa imbestigasyon ng House Quad Committee kungsaan nalantad ang mga maling paggamit ng P612.5 million confidential funds ng Office of the Vice President at ng Department of Education mula 2022 hanggang 2023 sa ilalim ni VP Sara.
Sa naturang imbestigasyon, nabunyag ang mga multong benepisyaryo ng confidential funds, at ang mga overpriced na rental sa mga satellite offices ng Bise Presidente.
Nakalkal din ang mga kaso ng ilegal na droga at mga pagpatay sa ilalim ng nakaraang Duterte administration, kungsaan ang conclusion ng Quad Comm ay peke ang war on drugs ni ex-President Rody Duterte. Ginamit lang daw ang kampanya laban sa droga para wakasan ang mga kakompetensya ng sindikato ng droga na dikit kay Duterte. Na ang mga pinatay ay ang mga sipunin lang na tulak at adik para masabing tagumpay ang war on drugs.
Tinukoy sa imbestigasyon ng Quad Comm ang mga “drug lords” na dikit kay Duterte tulad nina Peter Lim at Michael Yang.
Si Peter Lim ay “kumpare” ni Duterte, habang si Michael Yang ay naging presidential economic adviser. Kapwa labas-pasok sa Malakanyang ang dalawang ito noong termino ni Duterte.
Si Duterte ay sinampahan narin ng kaso sa DoJ. Nahaharap din siya sa ‘crime against humanity’ sa ICC. Subaybayan!