Advertisers
NASAWI ang dalawa katao at sugatan ang siyam na estudyante, isang guro at 12 sibilyan nang mahulog ang sinasakyan nilang mini bus sa bangin sa kahabaan ng Barangay Iba O Este, Calumpit, Bulacan nitong Martes, Enero 14, 2025.
Sa report na tinanggap ni PNP Provincial Director, Colonel Satur Ediong, kinilala ang mga nasawi na sina Angelica Esguerra, 27 anyos; at Johny Reyes, 44, barangay-tanod at driver ng tricycle (CO-69933), ng Brgy. Ca-niogan, Calumpit.
Nakilala ang driver ng mini bus (NIF-2746) na si Orlando Manayag Jr, 53, residente ng Moras Dela Paz, Sto. Tomas, Pampanga.
Base sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, bi-nabaybay ng Carmexss mini bus ang kahabaan ng Northbound patungo sa Apalit nang mawalan umano ng preno ang naturang sasakyan.
Nabatid na kasalubong ng mini bus ang tricycle na nabundol at nawasak bago nahulog sa halos 3 talampakan na lalim na bangin malapit sa isang tulay.
Isinugod sa pagamutan ang driver ng tricycle at kasama nito subalit idiniklara itong dead on arrival, habang ginagamot ang 18 pasahero ng mini bus sa Bulacan Medical Center at iba pang pagamutan.
Kaugnay nito’y tiniyak ng kumpanya ng mini bus na sasagutin nito ang lahat ng gastusin ng mga nasugatang pasahero maging ang mga nasawi sa trahedya.
Kasong Reckless Imprudence Resulting Homicide and Multiple Physical Injuries ang kakaharapin ng tsuper ng mini bus na kasalukuyang nakakulong sa Calumpit Municipal Jail.(Thony D. Arcenal)