Advertisers
MALAPIT nang maaresto si dating Bureau of Corrections (BuCor) director general Bantag, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa isang press briefing nitong Martes.
Sa pakikipag-usap sa mga mamamahayag ng Palasyo, sinabi ni Remulla na natunton na ng gobyerno ang dating hepe ng BuCor.
“Alam namin kung nasaan siya pero hindi pa namin siya mahanap. But we will find him soon, pretty soon,” pahayag ni Remulla.
Si Bantag ay tinaguriang mastermind sa pagpatay sa radio broadcaster na si Percival Mabasa, na kilala rin bilang Percy Lapid, at bilanggo na si Jun Villamor noong 2022.
Si Mabasa ay binaril malapit sa kanyang tahanan sa Las Piñas noong Oktubre 3, 2022 habang si Villamor ay natagpuang patay sa kanyang selda sa New Bilibid Prison-Muntinlupa noong Okt. 18, 2022.
Dumalo si Bantag sa preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) sa mga kaso ng pagpatay kina Mabasa at Villamor noong Disyembre 2022.
Hiniling niya sa mga piskal na pigilan ang kanilang mga sarili sa mga kasong isinampa habang kinukuwestiyon niya ang diumano’y impartiality ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla.
Iginiit din ng kampo ni Bantag na ang Office of the Ombudsman, hindi ang DOJ, ang may hurisdiksyon na imbestigahan ang mga alegasyon laban sa mga katulad niyang opisyal ng gobyerno.
Nagtago siya matapos salakayin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanyang lungga sa Baguio noong Abril 2024 para isilbi ang warrant of arrest.
Sinusubaybayan ng DOJ si Bantag mula pa noong nakaraang taon, na sinasabing palaging kumikilos ang dating BuCor chief. (Vanz Fernandez)