Advertisers
Nasa mahigit P1 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang bigtime tulak ng droga nang maaresto sa ikinasang buy-bust operation sa Caloocan City.
Sa report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals ang suspek na si alyas “Boss”, 23.
Ayon kay Col. Canals, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables ang buy bust operation, katuwang ang Police Sub-Station 11 matapos magpositibo ang natanggap nilang impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ni alyas Boss ng droga.
Sa report, naaresto ang suspek sa Block 14, Kaagapay Road, Barangay 188 at nakumpiska ang nasa 155 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P1,054,000 at buy-bust money na isang tunay na P500 bill at pitong pirasong P1,000 boodle money.
Nakatakdang sampahan ng SDEU ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Beth Samson)