Advertisers
Arestado ang anim na katao sa umano’y insidente ng vote buying sa lungsod ng Dagupan noong Mayo 12, 2025, bandang 12:08 ng madaling araw.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP) Dagupan City, isinagawa ang operasyon sa Sitio Mantipac, Brgy. Mayombo nang makatanggap ng impormasyon hinggil sa ilegal na aktibidad.
Kinilala ng PNP ang mga akusado na sina Michael Datuin Adaban ng Brgy. Mayombo, Dagupan City; Eloisa Marie Dela Cruz Soriano ng Brgy. Domalandan, Lingayen; Krizza Joy Agas Estabillo ng Mabini St., San Carlos City; Cresente Sison Bondoc ng Careenan St., San Carlos City; Ysa ng Brgy. Mayombo, Dagupan City; at Maria ng Brgy. Mayombo, Dagupan City.
Narekober mula sa mga suspek ang ilang election paraphernalia, kabilang ang mga leaflets at sample ballots ng mga kandidatong sina Celia Lim para alkalde, Bryan Lim para bise-alkalde, at Tope Lim para konsehal, pati na rin ang mga campaign materials ng nominees ng Tulungan Partylist. Nakumpiska rin ang mga election flyers na may kalakip na pera na may kabuuang halagang P120,600.00, kalakip ang mga campaign flyers ng nasabing mga kandidato batay sa report ng PNP Dagupan.
Matapos ang imbestigasyon ng PNP Dagupan, sinampahan ang mga naaresto ng kasong paglabag sa Article XXII, Section 261 (a) ng Batas Pambansa Blg. 881 o Omnibus Election Code, kaugnay sa vote buying. Itinakda ang piyansa sa halagang P36,000 para sa bawat akusado.
Nagbigay na rin ng kani-kanilang salaysay ang mga akusado kaugnay sa insidente. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung may iba pang sangkot sa naturang aktibidad.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa mga kandidatong nabanggit sa mga materyales na nasamsam.