Advertisers

Advertisers

HOUSE BILL NO. 3891, ITINUTULAK NI CONGRESSMAN PANALIGAN

0 47

Advertisers

ISINUSULONG ni Oriental Mindoro First District Congressman Arnan C. Panaligan sa Kongreso ang panukalang batas na House Bill No. 3891 o “An Act Declaring the Island of Mindoro a Mining-Free Zone, Prohibiting All Forms of Mining Operations and Providing Penalties Therefor.”

Sa ilalim ng panukalang batas, idiniin ni Panaligan na ang lahat ng uri ng pagmimina, kabilang ang black sand mining, armor rocks mining at mineral extraction ay ipagbabawal sa buong isla ng Oriental at Occidental Mindoro.

Layunin ng panukalang batas na pangalagaan ang kalikasan nh isla sa Mindoro kung saan inamin ni Panaligan na lahat ng Mindoreño ay nakararanas ng matinding epekto ng pagkasira ng kalikasan at kapaligiran tulad ng malawakang pagbaha na sumisira sa mga lupang agrikultural, komunidad at iba pang mahahalagang imprastraktura.

Sinabi ni Panaligan na ang buong isla ng Mindoro ay nasa saklaw ng panukalang batas dahil ayon sa kanya, iisa lamang ang bundok na naghahati sa dalawang lalawigan, ang Mount Halcon. Ang mga malalaking ilog at watershed na lugar nito ay magkakaugnay. Ang buong isla ay mayroon lamang isang biodiversity; samakatuwid, ang konserbasyon ng kalikasan ng isla ay dapat protektahan.

“Nananawagan ako sa mga kapwa ko Mindoreño na suportahan ang House Bill No. 3891. Nakikiusap din ako sa iba pang opisyal sa lalawigan at sa mga lokal na pamahalaan na suportahan ang ating House Bill. Hinihiling ko sa ating Sangguniang Panlalawigan, Sangguniang Panlungsod at Sangguniang Bayan na magpasa ng kaukulang resolusyon ng suporta sa House Bill No. 3891,”- ani Panaligan.

“Ingatan natin ang ating kapaligiran at huwag maakit sa pangako ng malaking tubo na makukuha ng mga lokal na pamahalaan sa pagmimina,” dagdag pa ng Kongresista

Sinabi ni Panaligan na alam niyang mahirap ang laban dahil malalakas at makapangyarihan ang mga pro-mining lobbyist. Aniya, ang panukalang batas na ito ay ‘talagang dadaan sa butas ng karayom’ kaya naman hinikayat niya ang lahat ng Mindoreño na manindigan kung ano ang tama para sa pangangalaga ng kalikasan.

Subaybayan natin!

***

Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com