Advertisers
HINDI inalintana ng isang matapang na pulis na harapin ang nakaambang panganib habang tumutugon sa kanyang tungkulin matapos na maghasik ng sindak at takot sa mga residente ang isang lalaki na may hawak kitchen knife sa Barangay San Antonio, Paranaque City ,Biyernes noong Mayo 23,2025.
Pinuri ni Southern Police District (SPD) Acting Director PBGEN Joseph R. Arguelles ang katapangan at walang pag-iimbot na dedikasyon ni PSSg Carlo Sotelo Navarro,45, na nakatalaga sa BF HOmes Police Substation (SS-5), Paranaque City. Si Navarro ay malubhang nasugatan at nagtamo ng mga sugat sa ulo at malalim na saksak sa kanyang dibdib.
Arestado naman ang suspek na kalaunan ay kinilala sa pangalang alyas ‘Arnold’, residente ng Creek Drive 2, Valley 8, ng Brgy. San Antonio sa Paranaque.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ang insidente ay naganap sa humigit-kumulang 10:45 AM sa Creek Drive 1, Valley 8 kung saan ay nakatanggap ang mga tauhan ng SS-5 ng ulat mula sa isang concerned citizen tungkol sa isang kaguluhan na kinasasangkutan ng isang lalaki na nagdulot ng pampublikong alarma at iskandalo.
Walang pag-aalinlangan, si PSSg Navarro, kasama ang kapwa opisyal na si PSSg Maret at ang mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPATs) ng Barangay San Antonio, ay mabilis na rumesponde sa pinangyarihan upang i-defuse ang sitwasyon.
Pagdating sa lugar ay nakasalubong ng mga pulis ang suspek na kumikilos sa napaka-agresibo at nagbabantang paraan. Tinangka ni PSSg Navarro at ng team na patahimikin at kontrolin ang huli subalit bumunot ng kitchen knife at agad na inundayan ng saksak ang rumespondeng pulis.
Sa kabila ng kaguluhan, nagawa ni PSSg Maret at mga rumespondeng BPAT na masupil at madakip ang suspek habang ang sugatang opisyal ay isinugod sa pinakamalapit na ospital. Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang suspek, at itinurn-over na ang kaso sa Investigation and Detective Management Section (IDMS) para sa karagdagang imbestigasyon at kaukulang legal na aksyon.
Samantala, personal na iniabot ni PBGen Arguelles ang tulong pinansyal mula sa SPD at nag-alay ng mga salita ng suporta at pampatibay-loob sa nasugatang opisyal at sa kanyang pamilya. Tniyak niya sa kanila ang buong suporta ng Distrito at nanalangin para sa mabilis at ganap na paggaling ni Navarro. (JOJO SADIWA)