Advertisers
MAARING kasuhan ng sinumang pasahero ang sinomang public utility vehicle driver na may ‘putok’ at dugyot.
Ito ay nakasaad sa Memorandum Circular 2011-004 ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) kungsaan ang mga marungis, mabaho o may ‘BO’ na driver ng mga pampublikong sasakyan ay pagmumultahin ng P2,000 sa unang offense o unang pagkakahuli; P3,000 sa ikalawang pagkahuli; at P5,000 at kanselasyon ng prangkisa ng sasakyan sa ikatlo.
Batay sa memorandum, mahigpit ang kautusan sa tamang pagsusuot ng uniporme at maayos na hitsura ng PUV drivers. Dapat ay laging presentable ang PUV drivers.
Gayunman, sinabi ng LTFRB na walang napaparusahang dugyot at mabahong driver dahil mas pinipili ng mga pasahero na bumaba na lamang ng sasakyan at manahimik.
Katwiran pa ng mga pasahero, abala lamang ang pagsasampa ng kaso at walang oras para magsumbong sa LTFRB.
Sinabi ni Atty. Ariel Inton, spokesperson ng LTFRB, na takdang ilunsad ng ahensiya ang programang Disenteng Driver upang maipamalas ang nararapat na gawin sa pagsusuot ng uniporme sa pamamasada.
Alinsunod sa kautusan ng LTRFB, ang PUV driver dapat nakasuot ng kulay blue na T-shirt, red T-shirt sa Taxi, green polo shirt sa driver ng UV Express, at white polo sa driver at conductor ng pampasaherong bus.