Advertisers
IPINAHAYAG nitong Biyernes, Mayo 30, ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na kinikilala ng kagawaran ang pagkapanalo ni dating Pangulo Rodrigo Duterte sa pagka-alkalde ng Davao City sa nakaraang May 12 elections.
Subalit ayon kay Remulla, mahalaga ang misyon ni Duterte bilang alkalde ng isa sa mga pinakamalaking siyudad sa bansa kaya dapat hindi malagay sa peligro ang paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan sa lugar sa kanyang pagkakakulong sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Aniya, kapag hindi kayang gampanan ni Digong ang pagiging alkalde ng Davao City, kailangan mag-take over ang bise alkalde, ang kanyang anak na si Sebastian “Baste”.
Si Baste ang dating mayor ng lungsod na tumakbo nalang vice mayor ng ama at nanalo sa nakalipas na halalan.
Bagaman naiproklama ng Commission on Elections (Comelec) si Digong bilang bagong halal na alkalde ng Davao City, hindi parin ito nabibigyan ng pagkakataon makapanumpa na kinakailangan bago siya manungkulan.