Advertisers
KALUNOS-LUNOS ang sinapit ng nawawalang tatlong lalaking magkakambing o goat traders mula sa Batangas nang matagpuan ang kanilang mga bangkay na nakatali ang mga kamay sa isang hukay sa loob ng rubber plantation sa Sitio Goma, Barangay Nabundas, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao Del Sur, Biyernes ng umaga, May 30, 2025.
Ang mga biktima ay na-kilalang sina John Luis Olarte, 22 anyos; Gerry Olarte, 31; at Ronald Alumno, 47, mga naiulat na nawawala nuon pang May 11 ng taon.
Kinumpirma naman ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region Spokesperson, Lt. Colonel Jopy Ventura, na ang mga natagpuang bangkay ay ang tatlong nawawalang goat traders mula sa Calatagan, Batangas, matapos kumpirmahin ng kanilang mga pamilya.
Ayon sa mga kaanak ng tatlong biktima, huli nilang nakausap ang mga biktima bandang alas-siyete ng gabi ng May 11 na mga umalis sakay ng isang L-300 Van para mag-deliver ng mga hybrid na kambing sa kanilang kliyente na si alyas “Khomenie Bansuan Tan” na taga-Barangay Linantangan, Mamasapano at itinuturong pangunahing suspek sa krimen.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad mula sa mga residente sa lugar, limang armadong lalaki ang dumukot sa mga biktima at dinala sa liblib na bahagi ng plantasyon at walang awang pinaslang bago inilibing sa mababaw na hukay, 4 feet ang lalim.
Nagpapatuloy pa ang im-bestigasyon ng mga otoridad sa krimen.(KOI LAURA)