Advertisers
NAKAHANDA na ang mga contingency plans ng Philippine National Police (PNP) sakaling maglabas ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.
Ito ang tiniyak ni bagong PNP Chief PGen. Nicolas Torre III sa isang pulong balitaan sa Kampo matapos na maitalaga at manumpa bilang bagong hepe ng organisasyon nitong Lunes.
Ayon kay Torre, ang mga hakbang na ito ay bahagi ng kanilang paghahanda upang masiguro na magiging maayos ang pagpapatupad ng batas at magkakaroon ng legal na proseso ang maaaring maging pagaresto kay Dela Rosa.
Sinabi ni Torre, nakapaghanda ang kanilang hanay ng mga contingency plans para masiguro na alam na ng kanilang kapulisan ang mga dapat gawin sakali mang maglabas agad ng warrant ang ICC tungkol dito.
Samantala, hindi naman na binigyang detalye pa ni Torre ang mga contingency plans na ito ngunit tiniyak naman ng hepe na gagawa at gagawa ng desisyon ang pamahalaan kapag kakailanganin.
Aniya, bagama’t may mga plano na ang kanilang hanay ay hindi muna niya ilalantad ang kanilang mga preparasyon at sinabing ito ay isang bagay na kailangang aksyunan kapag andyan na at tsaka na bubuo ng desisyon kapag may pinal nang anunsyo o nakapaghain na ng warrant ang korte laban sa Sena-dor.
Pagtitiyak din ni Torre, handa ang PNP na ipatupad ang kahit ano mang ligal na kautusan mula sa ICC kabilang na dito ang posibleng pag-aresto kay Dela Rosa.