Advertisers

Advertisers

Babae sa imburnal inuulan ng suwerte, cutter blade naibenta ng P10K

0 17

Advertisers

“When it rains, it pours.” Mukhang inuulan talaga ng suwerte ang babaeng nag-viral nang maispatang lumalabas mula sa isang imburnal sa Makati City.

Ito’y dahil naibenta niya sa halagang P10,000 ang kanyang makasaysayang “cutter blade” kay Boss Toyo ng Pinoy Pawnstars.

Sa latest vlog ni Boss Toyo, nagtungo si Rosemarie at ang asawa nito sa Pinoy Pawnstars para ibenta ang makasaysayang cutter blade na naging dahilan para magkaroon ng pagbabago sa kanyang buhay.



Kinuwento ni Rosemarie na mahalaga sa kanya ang cutter dahil ginagamit niya ito para sa pagputol ng mga plastic bottle at mga nakukuhang karton kapag nangangalakal. Nang mahulog ito sa imburnal ay bumaba siya sa loob nito para kunin ang cutter.

Sinabi ni Rosemarie na may butas na puwedeng daanan para makapasok sa imburnal at doon siya pumasok para kunin ang nahulog na cutter. Sa kanyang paglabas ay marami ng tao.



Doon na nakuhanan ng video si Rosemarie na naging viral.

Sinabi rin ni Rosemarie na hindi naman siya nakatira sa loob ng imburnal dahil maliit lamang sa loob nito.



Binili ng vlogger na si Boss Toyo ang makasaysayang cutter blade ni Rosemarie. Binigyan pa ni Boss Toyo ng cellphone ang mister at ate ni Rosemarie.

Ayon kay Boss Toyo, isasama niya sa kanyang museum ang makasaysayang cutter blade ni Rosemarie.

Pinayuhan din ni Boss Toyo si Rosemarie na tigilan ang pagbibisyo dahil mauubos ang tulong na ibinigay dito ng gobyerno at wala itong mararating sa buhay.

Magugunitang dahil sa cutter blade ay nakilala si Rosemarie o “Rose”.

Nang dahil sa nag-viral na video, hinanap ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) si Rosemarie at binigyan ng P80,000 tulong para makapagtayo ito ng sari-sari store at magkaroon ng kabuhayan.

Sinabi pa ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na plano niyang kuning “ambassador” ang babae sa imburnal para hikayatin ang mga tulad nitong street dwellers at mailapit ang mga programa ng pamahalaan na makatutulong sa mga tulad nito.

Ayon kay Gatchalian, hindi naman “special case” si Rose dahil lahat naman ng tulad nitong nangangailangan ay tinutulungan ng pamahalaan.

Nagiging meme naman ngayon ang pagpapakuha ng larawan sa imburnal para makakuha daw ng P80K at maging ambassador pa ng DSWD.