Advertisers
Nananawagan ng malalimang imbestigasyon si Manila Congressman Rolan ‘CRV’ Valeriano ukol sa kaguluhang naganap sa naudlot na demolisyon sa Mayhaligue, Sta. Cruz nitong nakaraang May 16, 2025.
Sa isang privilege speech, nanawagan din siya ng moratorium habang di pa nabusisi at naamyendahan ang batas ukol sa demolisyon at relokasyon dahil di umano pupuwedng tuloy-tuloy lang ang pagwasak ng mga tahanan habang ‘butas-butas’ ang sistema.
Ang pinakamatindi ay ang kanyang pagbubulgar na diumano ay merong mas malalim na isyu ang nasabing insidente. Aniya, matagal nang walang interesado sa lugar na pinag-aawayan sa Mayhaligue, kaya pinamahayan ito mula pa noong 1950s.
“Pero kelan lang, biglaang naibenta sa kumpanyang 2288 Etan Realty Corp. Paano ito naibenta nang ganung kabilis? May transparency ba, legal ba? Ang masakit pa, habang me gusot ay mabilis na kumilos ang goons para sa demolisyon na nagmamadaling ihabol bago mag-June 30,” ani Congressman Valeriano.
Sabi pa niya, matagal nang umiiral ang modus ng mga kompanya ang paghanap ng mga lupang me informal settlers. Bibilhin ang lupa nang murang-mura, maghahain ng kaso para mapaalis ang mga maralita at pag na-demolish na ay ibebenta sa mas mataas na halaga. ‘Massive profit at the expense of the poor’ daw ang tawag diyan.
Kailangan umano ng kagyat na imbestigahan ang tangkang demolisyon di lang sa Mayhaligue kundi maging sa Barangay 227 sa District 2 dahil naniniwala siya na ang mga mambabatas ay sandigan ng mga naaapi.
Sa kontrobersyal na tangkang demolisyon sa Mayhaligue na alinsunod daw sa isang court order, kinuwestyon ni Cong. Valeriano kung dumaan ba talaga sa tamang proseso. Aniya, walang malinaw na notice na ibinigay sa mga residente, walang relokasyon o makataong alternatibo sa mahigit 400 pamilyang may halos 70 taon nang nakatira doon.
Wala din umanong clearance mula sa Philippine Commission on Urban Poor gaya ng itinatagubilin sa Republic Act 7279 Urban Development and Housing Act at Executive Order 152 series of 2002.
Binatikos din niya ang paggamit sa sangkaterbang pulis na naka-full battle gear at akala mo daw ay me giyera.
Ang pagkaka-isyu ng korte ng temporary restraining order noong May 27 ay isa umanong matibay na patibay na may kakulangan sa proseso, kaya dapat magkaroon ng Congressional inquiry ukol sa insidente dahil ito ay usapin ng batas, hustisya at karapatang pantao.
Giit ni Cong. Valeriano ang pagpapairal ng ‘social justice’ at ‘due process’, kung saan, dapat balanse ang karapatan ng me ari ng lupa at ang kapalaran ng mga maralitang matagal nang nanirahan sa lugar na ganito, gaya na lang sa Mayhaligue na may mga pamilyang 70 taon na o ilang henerasyon nang naroon na di naman pupwedeng itrato na parang basura ang buhay at pangarap nila.
Aniya, may mga umiiral na batas para tiyaking makatao at patas ang relokasyon.
Sa pagtatapos ng kanyang privilege speech, binanggit din ni Cong. Valeriano na doon din pala sa lugar na iyon tumayo si Vice President Sara Duterte nuong campaign period para siraan siya at “pagkatapos ng eleksyon, demolisyon na.”
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.