Advertisers
Walang duda, ang bayan ang may sala sa pagpili’t paghalal sa mga kinatawang bayan na tumao sa bugok na kapulungan. Silip ang pagkiling ng labing walong senador sa salang resolusyon na ‘di pa man nadidinig ang mga lilitis at lilitisin nagmungkahi na ibasura ang inihaing pagpapasipa sa abalang pangulo. Saang hukuman, maging sa sistema ng hurado na ang hahatol ang hihingi ng pagbasura sa kasong inihahain laban sa akusado. Santisima, anong sala ng bayan at nagkaroon ng walang bait na kinatawang bayan na una ang katapatan sa may sala at huli ang sa bayan. Masakit sa puso na walang puwang sa mga kinatawang bayan higit sa bugok na kapulungan ang kagalingan ng bayan. Tunay na sariling pakinabang ang una, sa nakaraan maging sa darating na panahon, higit sa inaasam ng punong kawatan este kinatawan sa darating na halalan sa ‘28.
Ang natunghayan ng bayan sa mga nakaraang araw sa bahay ng mga bugok na kinatawan ang nakaririmarim na tila sumpa sa maling pili sa mga nagdaang halalan. Tumulo ang uhog at luha ni Mang Juan ng mamasdan ang walang lilim na senador na ibig babagin ang kapwa walang kwentang senador dahil sa usaping nakasalang sa harap. Hindi makitaan ng pagiging maginoo sa harap ng talastasan at silip ang gaspang ng kilos sa pagkadismaya sa kasama dahil sa tindig. Ang pagiging bruskong bastos, walang kaalaman sa asal ng parlyamentaryo ang namasdan ng bayan sa mga senador na tumangkilik sa salang mungkahi ng pagbabasura ng pagpapasipa sa abalang pangulo. Ang salang pagdadala ng pangulo ng bugok na kapulungan ang batayan ng kilos, maging ng salita ng mga kapwa senador na naubos ang kagandahan.
Sa bulwagan ng bulok na kapulungan, silip ang salang asal ng mga halal ng bayan kung paano pinagkakaisahan ang isang senador na nagbibigay ng mensahe. Habang sa kabilang dako ng bulwagan, silip ang pang-uupat ng senador kay BabyLina na guluhin ang nagsasalitang senadora na ‘di kasama ng labing walo. Hindi makitaan ng paggalang ang senador na sangkalan ang pagiging relihiyoso ngunit walang paggalang sa kapwa na nagsasalita. Ang gatungan o upatan ang kapwa senador na distorbuhin ang nagtatalumpati sa halip na tuwirang sabihin ang ibig. Ang patunay na ‘di pumasok sa sistema ng ilang senador ang kagandahang asal o ang GMRC higit ang tamang asal ng isang halal ng bayan na dapat makita ng Kabataan at ng bayan. Sayang ‘di nasapak ng alalay ni Batman ang walang takwens na kinatawan na nagmula sa Bulacan.
Nagpatuloy ang salang asal ng mga bugok na kinatawan na pinalalim sa talastasan ng panukala ni Pugo na ibasura ang hinaing pagpapasipa. Sa mga pagpapa-ikot na mensahe ng mga bugok ng senado, nagkaroon ng mungkahi na ibalik sa malawak na kapulungan ang reklamo ng pagpapasipa sa abalang pangulo. Sa mungkahi, natakpan ang pantsutsubibo ni Keso sa banggit na reklamo na umaabot ng ilang buwan kahit malinaw ang pagkakatitik sa saligang batas na agad – agad o forthwith. Sa talastasan, nailayo kay Keso ang usapin na ‘di nakakalimutan ni Mang Juan na puno’t dulo ng pagkabalam ay ang pangulo ng bugok na kapulungan. At mungkahing pagbabalik sa malawak na kapulungan ang behikulong sinakyan ni Keso sa tulong ng isa pang bahag ang buntot na senador na ‘di pina-porma ni Sentri sa isang dating pagdinig.
Tumakbo ang oras at nagpatuloy ang talastasan, pagpapalitan ng mga paliwanag sa tindig ng ibig at ‘di ibig na ibalik sa malawak na kapulungan ang pagpapasipa. Ang maiinit na palitan ng tindig ang nagbunsod ng ilang pagtigil o tumigil ang mga bugok upang mapag-usapan ang tamang galaw. Silip ang galawan ng mga bugok sa senado na tila isang palabas na kailangan ng drama o pag-usapan kuno bago marating ang tamang pasya. Sa totoo lang, maaga pa’y batid na ang pagkagapi ng mga kontra na ibalik ng reklamo sa malawak na kapulungan. Sa kasanayan ni Keso sa pagsakay sa tsubibo, hinahayaan ang palitan ng tindig at sa huli, ang ibalik sa malawak na kapulungan ang mananaig.
Ang kaganapan sa bugok na kapulungan ang baraha na binalasa ni Keso sa pagtatakip sa gawang sala ng hinainan laban kay Inday Siba. Di’ batid ang lalim ng kaganapan sa bulwagan ng mga bugok ngunit masasabing malaki ang pakinabang ni Keso sa naganap. Sa pagtaya, sariling kapakanan ang isinalang ni Keso ngunit umasa na ikagugulat ang kalalabasan ng kahangalan sa susunod o sa muling pagharap sa halalan. Malaki ang itinaya ng puno ng senado at umaasa na malaki ang kapalit na maraming (coke) zero at pwestong malapit sa pangarap na trono. Walang duda na malaking pakinabang sa kinabukasan ang maghihintay kay Keso higit sa salang galaw, salang pahayag at pagpapatupad ng kautusan na pinaikutan ang saligang batas ng bayan.
Sa bayan, tunay na sala ang kilos ng bugok na kapulungan na hindi dininig ang usaping nasa harap. Ang ipatawag ang magkabilang panig at ilatag ang mga tuntunin ang maaring pag-usapan at plantsahin ang dapat na ginawa upang matiyak ang tama ang takbuhin sa paglilitis na gagawin. Subalit, tanggap ang salang galaw sa ngalan ng sariling kinabukasan na dahilan ng mga pahayag na ‘di pakikinggan ang ibig ng kapitbahay. Ang sariling pasya ang susundin at ‘di makikinig sa atas ng kapit bahay sa ngalan na magpantay ang tindig ng dalawang bahay. Habang ang pagbabalik ng hinaing sakdal sa mga tatayong taga-usig ang kilos na pagpapahayag na kami ang hahatol at ang taga-usig ang dapat na sumunod sa aming ibig. Ang pahayag na silip ni Mang Juan, dating magka-pantay ngayon ang mga bugok ang nasa-ibabaw.
Panghuli, walang pagdududa na ang laban ng paghahain ng pagpapasipa sa abalang pangulo’y itinapon sa apoy na magiging abo ano mang oras. Ang umasa sa mapanlinlang na kilos ni Keso at mga kasama’y pagtatakip sa salang panlulustay ng salapi ng bayan na hahantong sa mga sariling lukbutan. Sa naganap sa bugok na kapulungan, hindi na nag-iisa si Inday Siba na nakasalang sa mata ng bayan dahil sinalo ng labing walo hunghang ang bigat ng laban sa walang pakundangan na pagbabalik ng sakdal sa malawak na kapulungan.
Ang salang gawa ng malawak na kapulungan na namalas ng sambayan at ng 88% ng Pinoy na umasa na maririnig ang pagsagot ng nasasakdal sa hinain na reklamo. Sa totoo lang, tuwiran ang sala ng bayan na naniwala sa pangako ng mga bugok na senador na ang kapakanan ng bayan ang uunahin. Hindi na maitatago na nilustay ni Inday Siba ang salapi ng bayan subalit pumakabili ng pihit ang labing walong bulag, pipi at bingi.
Maraming Salamat po!!!!