Advertisers
TATAWID sa Pang-Dalawampung Kongreso ang impeachment case ni Misfit Sara. Walang nagawa kahit si Tricky Tsis at mga kaalyadong senador tulad ni Francis Tolentino, Alan Peter Cayetano, Bato dela Rosa, at Robin Padilla upang bigyan ng proteksyon si Misfit Sara sa sakdal na hinaharap niya sa Senado bilang impeachment court.
Sasailalim si Misfit Sara sa paglilitis ng Senado bilang hukuman kung saan magsisilbing hukom ang 24 na kasapi na papasok na bagong Senado sa ilalim ng Pang-Dalawampung Kongreso. Matatapos ang termino ng Pang-Labingsiyam ng Kongreso sa ika-30 ng Hunyo at kagyat na mag-uumpisa ang termino ng bagong Kongreso.
Hindi alam ng karamihan ng mga senador ang kanilang trabaho sa Senado bilang impeachment court. Ang kanilang kamangmangan at kawalan ng pagnanasa na matuto ang mga dahilan kung bakit kung ano-anong ideya ang kanilang ipinalutang kaugnay sa pulong ng Senado bilang isang hukuman na lilitis kay Misfit Sara.
Hindi nakatulong ang pagiging abogado nina Tricky Tsis, Alan Peter, at Francis upang akayin ang mga kasamang mambabatas at magbigay ng makabuluhang kaalaman tungkol sa gawain ng Senado bilang hukuman. Imbes, sila ang nagpalutang ng mga ideya na maituturing ligaw at may kiling kay Misfit Sara. Walang nangyari sa kanilang mga ideya.
Isa ito sa mga dahilan upang hindi naawat na pumagitna ang mga ignoranteng senador tulad ni Robin, Bato, at Imee. Nagbigay sila ng mga kakatwa at nakakatawang teyorya at panukala hinggil sa impeachment case ni Misfit Sara. Hindi sila pinansin ng bayan at kara-karakang namatay ang kanilang mga ideya, sa aming pagtaya.
Dahil matutuloy ang naantalang paglilitis, karapatan natin bilang mga mamamayan na hingin na maging patas ang Senado bilang hukuman. Hindi dapat umupo bilang hukom ang mga senador na pawang nagbigay ng proteksyon, kumiling, at nag-absuwelto kay Misfit Sara.
Hanggang maaari huwag umupo bilang huwes sina Robin, Alan Peter, Bato, Imee, at kahit si Tricky Tsis sa Senado bilang hukuman. Hindi bale si Francis dahil tapos na ang termino niya bilang senador. Hindi siya pinalad na manalong muli sa nakaraang halalan. Talunan si Francis at miron na lang siya sa paglilitis.
Kailangan maging patas ang Senado bilang hukuman sa impeachment case. Kailangan maging patas ito sa paglalatag ng mga katibayan laban sa kanya. Kailangan maging patas ang Senado sa pagbibigay ng tsansa upang makapaglahag ng kanyang mga sagot si Misfit Sara sa mga paratang sa kanya sa ilalim ng Articles of Impeachment.
Kailan itiklop ng mga senador ang kanilang bibig upang magkaroon ng maayos na daloy ang paliwanag at kontra paliwanag. Kailangan maging malinaw ang lahat ng paliwanag sa bayan. Hindi dapat mawalan ng kaayusan ang proseso ng paglilitis upang hindi masabi ni Misfit Sara na inipit siya at pinagsamantalahan.
***
MAHIRAP sa ilang senador na itago ang kanilang saloobin na may kinakampihan o kinikilingan sila. Hindi namin alam kung ano ang dahilan at pilit nilang kinakampihan si Misfit Sara. Hindi kami magtaka sa pagtanaw nila ng utang na loob sa mga nakalipas na pabor na ibinigay sa kanila. Maaari rin na malaki ang isinukang halaga ni Misfit Sara para sa kanila. Gayunpaman, nangyayari ang ganito dahil sa may mga tiwaling senador. Wala silang budhi at anumang pagsaalang-alang sa sambayanan.
Basta sa ikauunlad ng kanilang bulsa, wala silang pakialam sa bayan. Isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi maunlad ang bansa kung ihahambing sa mga karatig bansa. Nananatili itong nakahiga sa banig ng katiwalian. Nanatili itong nakatali sa mga tiwaling lider na walang inisip kundi ang mga sarili.
***
NGAYON, kailangan repasuhin ng mga senador ang Saligang Batas, isapuso ang bawat probisyon nito lalo na sa mga isyu ng Impeachment at Accountability of Public Officials. Ang pinakamalaking problema ng mga senador ay ang kanilang kamangmangan sa Saligang Batas.
Umaapaw ang kamangmangan nila sa Saligang Batas. Labis na nakakapagtaka ang kakapalan ng mukha na magsalita at ipagmarali ang kamangmangan. Biro nga ng ilang netizen – uso ang tanga at bobo ngayon sa Senado.
Hindi namin alam kung paano rerepasuhin ng mga senador ang Konstitusyon at ang mga umiiral na batas at doktrina sa impeachment, ngunit aming mungkahi na magkaroon ng crash course ang mga mambabatas. Isama na rin ang kanilang mga legal staff.
Hind maiiwasan ng mga senador ang pangangailangan na armasan ang sarili sa batas. Bawal ang bobo at tanga sa kanilang gawain bilang mambabatas.