Advertisers
Nakaapat na game na ang NBA Finals sa pagitan ng Oklahoma City at Indiana. Komo tig-dalawa silang panalo ay tabla ang serye. Nauwi sa best’of-three ang orihinal na best-of-seven na kampeonato.
Balik sa OKC ang laro sa Game 5 at kanilang homecourt advantage. Ang hirap masabi sino sa dulo ang maiiwan.
***
Kamakailan ay nagkaroon ng reunion sa isang resto ang Alaska Milkmen na nagwagi ng 1998 PBA Commissioner’s Cup.
Kabilang sa dumalo sina Coach Tim Cone, Jojo Lastimosa, Dickie Bachmann, Rodney Santos, Poch Juinio, Joey Valdez, Sean Chambers at ang Conference Best Import noon na si Devin Davis.
Nandoon din ang ilang misis gaya ng mga asawa ni Jolas na si Butchick at ni CTC na si Cristina.
Masaya ang lahat sa pagbalik-tanaw sa taon na dalawa sa tatlong yugto ng liga ay nasungkit ng prangkisa ng mga Uytengsu.
Siyempre may kantiyawan at panghihinayang na wala na ang koponan sa PBA ngayon.
Ang ilan sa kanila ay aktibo pa rin sa sports lalo na sa basketball.
Si Bachmann ay Chairman na ng Philippine Sports Commission, si Cone ay HC ng Barangay Ginebra, si Chambers ay mentor ng FEU Tamaraws at si Lastimosa ay team manager ng TNT. Ang iba ay mga assistant coach at ang iba pa ay may mga negosyo.
Nagsimula ang koponan taong 1986 at may 14 na totulo na may grand slam noong 1996.
Ibinenta ang prangkisa sa Converge ICT noong 2022.
***
Matagumpay na nakabalik sa boksing ang 42 años na si Nonito Donaire Jr noong Linggo. Magaya kaya ito ng 46 na taong si Manny Pacquiao sa Hulyo.
Na-TKO ni Donaira si Andres Campos sa 9th round ng bout nila ng Chilean sa Buenos Aires sa Argentina. Hawak na niya ngayon ang WBA interim bantamweight crown.
Si Pacman naman haharapin si Mario Barrios sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada sa July 19th.
Kung mabigo si Manny dito ay baka tunay na retirement na ito.
Talo siya sa huling fight at olat din sa pagkasenador noong Mayo.