Advertisers

Advertisers

PBBM BALIK-BANSA KASUNOD NG WORKING VISIT SA OSAKA

0 12

Advertisers

BALIK-BANSA na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang kanyang matagumpay na working visit sa Osaka, Japan.

Ayon kay PBBM, dala niya ang mga bagong oportunidad sa trabaho, pamumuhunan, at kaunlaran ng mga Pilipino.

Ipinagmalaki ng Pangulo ang paglahok ng Pilipinas sa World Expo 2025, kung saan tampok sa Philippine Pavilion ang kultura, inobasyon, at pangakong kaunlaran ng bansa.

Aniya, ito ay isang mahalagang hakbang upang palakasin ang imahe ng Pilipinas bilang destinasyon ng turismo, pakikipag-ugnayan, at pamumuhunan.

Kabilang sa mga aniya’y konkretong tagumpay ng pagbisita niya sa Japan ay ang bagong kasunduan sa pagitan ng Kanadevia Corporation at Philippine Ecology Systems Corp. para sa isang waste-to-energy project para tugunan ang problema sa basura habang lumilikha ng malinis na enerhiya.

Plano naman ng Tsuneishi Group na gumawa ng kauna-unahang methanol dual-fueled KAMSARMAX bulk carrier sa Cebu na inaasahang magbibigay ng hanapbuhay at pagtataas ng antas ng Pilipinas sa green shipping industry.

Hindi rin nakaligtaan ng Pangulo ang pagpapalalim ng ugnayan sa mga lider ng turismo sa Japan upang mahikayat ang mas maraming turista sa bansa at makalikha ng dagdag na oportunidad para sa mga manggagawang Pilipino.

Bukod dito, binuksan din ang bagong pinto ng kooperasyon sa Japan Aerospace Exploration Agency, lalo na sa larangan ng space technology para sa disaster monitoring, suporta sa mga magsasaka, at kaligtasan ng mga komunidad.

Samantala, nakisalamuha rin ang Pangulo sa Filipino Community sa Osaka, kung saan ipinaabot niya ang kanyang pasasalamat sa kanilang propesyunalismo at pagmamalasakit na patuloy na nagbibigay ng karangalan sa bansa.

Pahayag pa ni Pangulong Marcos, umuwi siya dala ang inspirasyong ipagpatuloy ang pagsusulong ng Bagong Pilipinas na nakatuon sa mas maraming trabaho, pamumuhunan, at oportunidad para sa bawat Pilipino. (Gilbert Perdez)