Advertisers
Nailabas ng lahat ang bangkay ng tatlong minerong na-trap sa isang tunnel sa Sitio Balcony, Brgy. Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya, nang pumasok ang mga ito noong Lunes ng gabi.
Ang mga nasawing small-scale miner kinilalang sina Daniel Segundo, 47-anyos; Florencio Indopia, 63-anyos; at Lapihon Ayudan, 56-anyos na pawang taga-Barangay Runruno.
Matatandaang lima silang pumasok sa lagusan nitong Lunes, subali’t nailabas ng buhay nitong Martes ang dalawa nilang kasamahan na sina Alfred Dulnuan at Joval Bantiyan ng Maddela, Quirino.
Nadiskubre ang pagkaka-kulong ng lima sa nasabing tunnel noong Lunes ng umaga, sa pamamagitan ng isa rin nilang kasamahan na huling pumasok sa butas. At dahil walang malay nang sila’y madiskubre ay inakala ng mga otoridad na sila’y patay na.
Agad namang ikinasa ang retrieval operations sa lima noong Lunes ng umaga, ngunit tanging sina Dulnuan at Bantiyan lamang ang nailabas ng mga rescuer dahil na rin sa haba at sikip ng tunnel na kanilang dadaanan. Sa katunayan, nakuha ang bangkay ni Segundo sa mahigit 700 metro mula sa bunganga ng tunnel.
Bukod sa tatlong minero ay nasawi rin ang isa sa mga volunteer rescuer na si John Philip Guinihid nang hindi na rin makalabas matapos pumasok sa lagusan noong Martes ng gabi, kasama ang kapatid ng isa sa mga minerong na-trap sa loob. Sa kabutihang palad ay buhay na na-recover ang kasama ni Guinihid.
Ayon kay Pastor Mario Dela Cruz ng Philippine Bethel Church, Inc., isa rin sa mga volunteer rescuer, kawalan ng sapat na oxygen ang sanhi ng pagkahilo at pagkawala ng malay ng mga minero, kung kaya’t hindi sila nakalabas sa nasabing tunnel.
Ang halos apat na araw na retrieval and recovery operations ay magkakatuwang na isinakatuparan ng mga rescuer mula sa Runruno community, BFP, PNP, Barangay at LGU, kasama rin ang dalawang mining companies na FCF Minerals Corporation, at Oceana Gold Philippines, Inc. (Mark Onleada)