Advertisers

Advertisers

2 ‘pekeng abogado’, timbog sa Caloocan

0 46

Advertisers

Naaresto ang dalawang indibidwal sa ilegal na aktibidad ng notaryo habang ginagamit ang pagkakakilanlan at kredensyal ng isang lehitimong abogado at Notaryo Publiko.



Sa ulat kay Northern Police District Director PB Gen. Arnold Abad, naaresto ang 54-anyos na babaeng negosyante mula Quezon City, na kilala ng mga kliyente bilang “Montemayor”; at isang 35-taong-gulang na lalaking kawani ng printing shop mula Pasig City, na si alias “Cañete.”

Sa ulat, isinagawa ang operasyon 1:30 ng hapon ng Huwebes sa West Grace Park, Brgy. 71, Caloocan City ng mga operatiba ng District Special Operations Unit (DSOU).

Sa ulat, nagmula sa isang reklamo na isinampa ng 81-anyos, isang batikang abogado at itinalagang Notaryo Publiko sa Quezon City. Ayon sa reklamo, ilegal na nag-aalok ng mga serbisyong notaryo habang ginagamit ang kanyang pangalan, dry seal, at pirma – nagpapanggap bilang mga lehitimong abogado.

Bago ang operasyon, nagsagawa ang mga awtoridad ng proseso ng beripikasyon na nagpatunay sa mga ilegal na gawain ng mga suspek. Isang poseur-client ang kumuha ng serbisyo ng notaryo, kung saan nagpalitan ng marked money at mga dokumento at makaraan ang transaksyon, nagpakilala ang undercover operative bilang isang pulis, na nagresulta sa pag-aresto sa mga suspek at pagkakakumpiska ng iba’t-ibang ebidensyang ginamit sa kanilang ilegal na operasyon.

Kabilang sa mga narekober ang P500.00, isang acknowledgment receipt, dalawang kopya ng pekeng Affidavit of Loss of Driver’s License na may pangalan at selyo ni Atty. Valmores, isang metal dry seal, apat na iba’t-ibang rubber stamps, isang bundle ng mga blangkong acknowledgment receipts na may pangalan ng nagreklamo, at isang notarial registration book.

Sasampahan ang mga suspek ng mga kasong paglabag sa Article 177 (Usurpation of Authority), Article 315 (Estafa through other Deceit), and Article 172 (Falsification by Private Individuals) of the Revised Penal Code.(Beth Samson)