Advertisers
Bago pa man ang itinakdang deadline sa Hunyo 30, matagumpay na pinangunahan ni incoming Senator Erwin Tulfo ang paggiba ng mga ilegal na harang sa kagubatan ng Doña Remedios Trinidad (DRT), Bulacan at pinaalis ang mga armadong guwardiya ni umano’y landgrabber JJ Javier.
Sinira ng mga awtoridad ang lahat ng bakod at gate na itinayo sa may 246 ektaryang timberland.
Naganap ito matapos ang walang humpay na pakikipag-ugnayan ni Tulfo sa pamahalaang lokal ng DRT, Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Philippine National Police (PNP) nang matanggap niya ang mga reklamo ng pangha-harass at pang-aagaw ng lupa mula sa mga lokal na magsasaka.
“Tagumpay ito para sa mga magsasaka at residente ng DRT na pitong taon nang naghihirap sa ilalim ng harassment at pangangamkam ng lupa. Wala man lang silang kakampi. Hindi ko papayagan na magpatuloy iyan,” pahayag ni Tulfo.
Bukod sa ginawang demolisyon, tuloy-tuloy rin ang mga hakbang ni Tulfo upang masigurong makukulong si JJ Javier.
Matatandaang agad siyang nakipag-ugnayan kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre matapos makatanggap ng mga ulat na sinubukan umano ni Javier suhulan ang mga awtoridad upang siya’y palayain at ibasura ang mga kaso laban sa kanya. Naaresto si Javier noong Hunyo 13 ng PNP-Highway Patrol Group dahil sa iba’t ibang traffic violations.
“Naghahari-harian itong si JJ Javier na parang siya’y nasa ibabaw ng batas—nagpapakilalang kung sino-sino para lang makalusot sa kanyang mga ginawang kalokohan. Bukod sa pangangamkam ng lupa, may kinakaharap pa siyang mga kasong Robbery (Extortion), syndicated estafa, at illegal possession of firearms and explosives, Kailangang managot siya!” giit ni Tulfo.
Binigyang-diin din ng incoming Senator na walang sinuman ang maaaring magmay-ari ng forestlands na pag-aari ng buong sambayanang Pilipino.
“Ang mga kagubatang ito na tinangkang kamkamin ni JJ Javier ay pag-aari ng Estado—ng bawat Pilipino. Walang sinuman ang puwedeng kumuha nito para sa pansariling interes at sirain ang kalikasan para sa kanilang agenda, gaano man sila kapoderoso,” pagtatapos ni Tulfo. (Cesar Barquilla)