Advertisers

Advertisers

MILITIA VS ORGANIZED GAMBLING SA CALABARZON, PINASISIYASAT!

0 1,158

Advertisers

Ni Cris Ibon

NAALARMA ang mga mamamayan sa operasyon ng militia group na itinatag ng ilang makapangyarihang politiko sa Batangas sa alegasyong kabalikat ang mga ito ng mga awtoridad sa kampanya laban sa operasyon ng organisadong illegal gambling sa buong CALABARZON, ngunit nadiskubreng pinopondohan at pinakikilos ng dalawang makapangyarihang gambling con drug lords sa naturang lalawigan.

Tinatayang may 300 Small Town Lottery (STL) bookies maintainer ang nag-o-operate sa buong CALABARZON, ang 100 nito ay kumikilos sa limang siyudad at 29 munisipalidad ng Batangas.



Bukod sa STL bookies na lalong kilala sa tawag na jueteng ay nag-o-operate din ang iba’t iba pang uri ng ilegal na pasugal tulad ng sakla, pergalan (peryahan na pulos sugalan) pati na ang illegal cockfight o tupada, at mga pwesto pijo o permanenteng sugalan na kalimitan ay nakalatag sa mga pamilihan, billiard hall at iba pang recreation facilities.

Dakong huli, ang militia group na iniorganisa ng dalawang gambling operators, alyas “Marasigan” at alyas “Gardiola”, ay ginagamit lamang na instrumento upang makontrol ng mga ito ang pagpapatakbo ng labag sa batas na STL bookies/ jueteng na laganap at lantaran ang operasyon sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.



Pinangangambahan ng grupong sibiko na Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) na kung ‘di agarang maaaksyunan nina PNP Chief, General Nicolas Torre III; at Police Regional Director 4-A, Brigadier Gen. Jack Wanky, ay puspusang makapag-o-operate ang armadong militia group sa buong CALABARZON.

Panawagan ng MKKB kina Torre III at Wanky ay atasan ang kanilang mga provincial director, lalo na sa katatalagang Batangas OIC Provincial Commander, Col. Geovanny Emerick Sibalo, na arestuhin, kasuhan ang mga sangkot sa naturang mga ilegal na pasugal, masusing magsiyasat at dis-armahan ang tinatayang may 50-katao militia na kumikilos sa Batangas.



Ang naturang grupo ay mistulang tunay na aktibong miyembro ng PNP, ngunit nasa kontrol at superbisyon nina Marasigan at Gardiola na kapwa nagpapakilalang malapit at “kaututang dila” ni dating Senador at Finance Secretary Ralph Recto, ng gabinete ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Napag-alaman ng MKKB na sa pagitan ng August 2024 hanggang May 2025, ay nakapagsagawa ng napakarami at halos ‘di na mabilang na pagsalakay sa mga rebisahan ng bookies/jueteng sa lalawigan ng Batangas ang naturang para-militar group partikular sa mga siyudad ng Tanauan, Lipa City, Sto. Tomas City, Calaca at Batangas City, mga munisipalidad ng Lemery, San Juan, Padre Garcia, Malvar, Taal, San Luis, Balete, Bauan, Mabini, San Pascual, Nasugbu, Lian, Calatagan, Laurel, Lobo, Tuy, Lian, Cuenca at iba pang bayan sa naturang lalawigan.

Gayunman, wala kahit isa sa mga naarestong kubrador, kabo at maintainner ang nakasuhan at nauwi lamang sa aregluhan o “bangketa operation” ang mga isinagawang anti-gambling drive.

Pagkatapos na kumpiskahin ang mga salapi, lastillas at iba pang delito ay mahigpit na binalaaan na lamang ng mga militia ang mga nasakoteng sugarol na ang kanilang mga kubransa ay sa rebisahan na lamang nina Marasigan at Gardiola irere-remit, sa halip na sa dati nilang STL/ jueteng bankero o kapitalista.

Nauwi sa kasunduan sa pagitan nina Marasigan at Gardiola at sa kilala at tahirang bookies operator tulad ng “Big 4” at 30 kagrupo ng mga ito sa Lipa City, Ocampo, Ablao, Kon Burgos, Biscocho, Arnold, Cristy, Rodel, Baduy, Elnice, Gerry at 35 iba pang bookies/jueteng operator sa Tanauan City, Ricalde ng Lemery at San Luis, Willy Bokbok ng Nasugbu, alyas Kap Nelson ng San Juan, Tisoy at Nonit, JR Biscocho ng Calaca, Broce at Encarnacion ng Laurel, Ocampo ng Balete at iba pa.

Sa dakong huli ay itinalaga na lamang lokal na tagapamahala nina Marasigan at Gardiola ang dati ay nag-o-operate na mga notoryus na bookies con drug operator.

Ayon sa MKKB, ang dati na 1-38 lamang ang numero ng Philippine Charity Sweepstakes Office STL sponsored gambling ngunit ito ay dinagdagan hanggang 1-40 at ang tayang pompyang, halimbawa nito: ang taya na P100 sa 10-10, ay kalahati o halagang katumbas ng P50 na taya na lamang ang makakabig na premyo ng mga mananaya. Kumakabig ang nananalong mananaya ng P700 kada 1.00 piso taya sa lahat na siyudad at bayan sa Batangas, maliban sa Batangas City na P600 kada P1.00 bet lamang ang ipinakakabig sa kanilang nananalong mananaya.

Binubuo ng mga ex-convict na goons, retired police at military, na nai-organisa nina Marasigan at Gardiola ng buwan ng July 2024 sa bendisyon ng isang alyas Puti na kilalang malaking pulitiko at malapit kay Pangulong Marcos Jr.

Naging pangunahing dahilan nina Puti, Marasigan at Gardiola na ang operasyon ng STL bookies ay nagpapahina at “pumapatay” sa kubransa ng lehitimong PCSO- STL na ang prangkisa ay pinapatakbo ng Refresh Gaming Corporation. Ngunit matapos mapipilan ang operasyon ng mga lokal na gambling operator, ay sina Marasigan at Gardiola na ang nagpatakbo ng kung tawagin ay “nasyonal” management ng STL bookies/ jueteng sa buong lalawigan ng Batangas.

Duda ang MKKB na di makakayang sugpuin ang mga operasyon ng mga ilegal na sugal sa Batangas habang nakapwesto pa ang ilang dating PNP Provincial Director sa Cavite, Laguna at Rizal. Kamakailan lamang ay napalitan na sina Batangas OIC PD Col. Jacinto Malinao Jr. at Quezon OIC PNP PD Col. Ruben Lacuesta sa kanilang pwesto.

Sina Cavite PNP OIC Director Col. Dwight Alegre, Laguna OIC PD Col. Ricardo Dalmacia at Rizal OIC PD Col. Felipe Maraggun na pawang iniuulat na may malakas na political backing ay hiniling din kamailan ng MKKB na palitan narin sa kanilang tungkulin.