WANTED NA OFW NG MAHIGIT 10 TAON, NATIKLO PAGDATING SA NAIA 3
Advertisers
ISANG lalaking Overseas Filipino worker na wanted sa pagnanakaw sa loob ng mahigit 10 taon ang matagumpay na naaresto nitong Lunes mula sa isinagawang joint operation ng Pasay City Police Station sa pakikipag-ugnayan sa PNP- Aviation Security Group (AvSeGroup) sa Ninoy Aquino International Airport, napag-alaman sa ulat.
Ayon sa mga awtoridad, inaresto ang akusado pagdating ng hatinggabi (Hulyo 13) sa NAIA Terminal 3 mula Istanbul, Turkey.
Ang inarestong indibidwal ay na-flag ng mga tauhan ng immigration pagkatapos ng pag-verify ng kanyang pangalan o alias, at ang warrant of arrest na inisyu noong 2014. Agad na ginawa ang koordinasyon sa mga kinauukulang law enforcement unit, na humantong sa pag-aresto sa mga akusado.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Pasay City Police Station ang subject para sa kaukulang dokumentasyon at pagpapatuloy ng legal na paglilitis na may kaugnayan sa isang dekada nang kaso ng pagnanakaw.
Sinabi ni PNP-AvSeGroup Director PBGen Jason L Capoy na hindi pa tapos ang kampanya laban sa mga wanted person, lalo lang lumalakas na mahuli ang mga ito at hindi nakalulusot pagdating sa bansa.(JOJO SADIWA/JERRY S. TAN)