Advertisers
HANGGANG ngayon, hindi makapaniwala ang mga tagahanga ni Gongdi na nakakulong siya sa piitan ng International Criminal Court (ICC) sa Olandiya. Ang buong akala nila ay lubhang magaling at totoong tigasin si Gongdi. Sa kanilang limitadong pananaw, hindi magagalaw ang kanilang idolo ng kahit sinuman at anuman sa mundong ibabaw.
Pero gulaman pala si Gongdi at ngayon nakakulong at naghihintay na ganap na mausig at malitis ng ICC sa punong tanggapan sa The Hague, Olandiya. Nandoon siya sa prison facility ng ICC sa Scheveningen, Olandiya. Hindi totoong tigasin at magaling ang kanilang idolo.
Taluntunin natin ang daan kung bakit nakakulong si Gongdi sa piitan ng ICC para maintindihan ng ganap ang proseso. Hindi ito naging madali at maraming sanga-sangang daan ang pinagdaan upang maging totoo ito. Nakakulong si Gongdi sa piitan ng ICC. Walang kalinawan kung bibigyan siya ng pansamantalang kalayaan. Maaaring abutin siya ng kamatayan doon.
Ika-30 ng Hunyo ng taong 2016 nang nanumpa bilang pangulo si Gongdi at naupo. Kagyat inumpisahan ang madugo pero palpak na digmaan kontra droga. Ginamit niya ang PNP upang patayin ang mga pinaghihinalaang adik at tulak ng bawal na gamot. Pinapasok at pinapanhik sa bahay ang mga pinaghinalaan. Walang awang pinapatay kahit walang sakdal sa husgado at sapat na dahilan kundi ang hinala.
Hindi sila binibigyan na anumang pagkakataon ng magpaliwanag. Kalaunan, ginamit ni Gongdi ang puwersang vigilante na hindi nakilala dahil nakatalukbong ang mga mukha, nakasakay sa motorsiklo, at kadalasan ay nakasuot ng damit ng itim sa kanilang operasyon. Walang awa nilang binabaril at pinapatay ang kanilang mga target. Iisa ang paliwanag ng nagsiyasat na ga pulis sa mga extrajudicial killings (EJKs): “nanlaban sila.”
Buwan ng Agosto, taong 2016 nang nakipagtagpo si Sonny Trillanes na noon ay isang senador sa isang mambabatas ng European Parliament. Kasagsagan ng mga EJKs noon. Abot sa libo ang walang awang pinapatay ng mga pulis at hindi nakilalang vigilante. Walang nangahas nagsalita sa mga patayan kundi si Sonny Trillanes at Leila de Lima na sinampahan ng mga walang batayan na asunto at ikinulong noong Pebrero 7, 2017.
Hindi kinilala ni Trillanes ang dayuhang mambabatas, ngunit sa kanya niya napulot ang ideya na isakdal si Gongdi sa ICC sa salang crimes against humanity. Ang dayuhang mambabatas ang nagpanukala sa kanya na dalhin agad sa ICC ang isyu dahil matagal ang proseso ng ICC. Pinag-aralan niya ito kasama si Gary Alejano na noon ay kinatawan ng Magdalo Party List sa Camara de Representantes.
Positibo ang kanilang pag-aaral. Maaaring isakdal si Gongdi sa salang crimes against humanity sa ICC. Ngunit nang ikalat niya ang plano niya sa mga kasamang mambabatas ng demokratikong oposisyon upang kumuha ng suporta, hindi siya pinansin at walang nangahas na sumuporta. Pawang natakot sina Bam, Kiko, at Risa dahil hindi nila kabisado ang ICC. Hindi rin sumuporta si Leni na noon ang pinakamataas na lider ng oposisyon dahil siya ang pangalawang pangulo.
Hindi rin sumuporta ang ibang mga senador tulad ni Ping Lacson na nagsabing “pupulutin iyon sa basurahan ng kasaysayan.” Ayaw ni JV Ejercito at ang mapagpanggap na si Francis Tolentino at Joel Villanueva ang isyu. Wala rin suporta sa Camara. Napag-isa si Sonny Trillanes. Sa huli, tanging si Gary Alejano ang sumama sa kanya.
Buwan ng Abril, taong 2017 nang natapos ang pagsusuri at pagsisiyasat ng Samahang Magdalo sa isyu ng EJKs. Hindi sila nag-atubili na isampa ang sakdal na crimes against humanity noong ika-24 ng Abril, 2017. Si Jude Sabio ang kanilang inuupahang abogado ang nagsampa ng unang sakdal. Kahit walang kasama si Sonny Trillanes at Gary Alejano sa demokratikong oposisyon, isinampa rin nila ang sakdal sa gitna ng walang humpay ang patayan.
Hindi ganap na napag-isa si Trillanes, Alejano, at Samahang Magdalo sa isyu ng war on drugs ni Gongdi dahil noong ika-28 ng Agosto, 2018, o 16 na buwan nakalipas ang unang sakdal nina Trillanes, nagsampa ng hiwalay na sakdal ang grupong Kaliwa sa pangunguna ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) sa ICC. Ito ang panahon ng ganap na nakipagsunugan ng tulay ang grupong Kaliwa kay Gongdi. Magkakampi sila sa unang bahagi ng kanyang termino o halos dalawa at kalahating taon. Kasama si Kristine Conti sa grupong NUPL. Assistant counsel ngayon sa ICC si Conti.
Kinilala noong 2018 ng ICC Office of the Special Prosecutor ang merito ng sakdal at isinampa ito sa estado ng preliminary investigation. Nagdesisyon mag-isa si Gongdi at kumalas ang Filipinas bilang kasapi ng Rome Statute, ang tratado ng maraming bansa na nagtatag sa ICC. Pormal ang pagkalas noong 2019. Kinilala ni Korte Suprema ang poder ni Gongdi na gawin ang pagkalas, ngunit kinilala rin ng Kataas-Taasang Hukuman ng bansa ang poder ng ICC na siyasatin ang mga EJKs na nangyari noong nasa ICC pa tayo.
Pansamantalang nabinbin ang pagsisiyasat sakdal dahil sa pandemya, ngunit noong 2020, isinampa ito sa estado ng formal investigation. Tumutol ang gobyerno ni Gongdi at nagharap ito ng dalawang magkasunod na kahilingan sa ICC na ipagpaliban ang formal investigation. Tumutol ang ICC sa maghiwalay na kahilingan. May desisyon ang ICC Pretrial Chamber sa unang kahilingan, at ICC Appeals Chamber sa ikalawa.
Noong ika-11 ng Marso, taong ito, dinakip si Gongdi at kagyat na dinala sa punong himpilan ng ICC sa The Hague, Olandiya sa bisa ng arrest warrant ng ICC. Si Gen. Nicolas Torre III ang nanguna sa puwersa ng PNP na dumakip sa kanya. Si Torre ang hepe noong ng PNP CIDG. Ngayon, si Torre na ang hepe ng PNP.