Advertisers
Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang importanteng papel ng alyansa sa pagitan ng Pilipinas at Amerika sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa South China Sea at sa mas malawak na Indo-Pacific region, sa kanyang bilateral meeting kay United States Secretary of Defense Pete Hegseth sa Pentagon noong Lunes.
“Naniniwala ako na ang ating alyansa, ang Pilipinas at US, ay may malaking papel sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa South China Sea. Sa katunayan, masasabi kong may epekto rin ito sa buong Indo-Pacific region,” ani Pangulong Marcos sa kanyang pambungad na pahayag.
Inilahad din niya ang kahalagahan ng patuloy na pag-uusap sa pagitan ng dalawang bansa, lalo na ngayong mabilis ang pagbabago sa geopolitics.
Pinasalamatan ng Pangulo ang tulong ng US sa patuloy na modernization ng Armed Forces of the Philippines at sa mga joint military exercises.
“Mahalaga ang ugnayang ito. At sa harap ng mga hamong kinahaharap ng Pilipinas, lalo na sa nagbabagong geopolitical landscape, nararapat lamang ang pagtutulungang ito,” dagdag pa ng Pangulo.
Binalikan din ni Marcos ang pagbisita ni Secretary Hegseth sa Maynila noong Marso at kanyang sinabi na ito’y isang “mahalagang simbolo” ng matibay na ugnayan ng dalawang bansa at pagpapatibay sa Mutual Defense Treaty.
“Kailangan nating ipagpatuloy ang pag-uusap. Kailangang sumabay ang ating ugnayan sa pagbabago ng panahon at ng mga kaganapan sa paligid natin,” aniya pa.
Kasama ng Pangulo sa Pentagon sina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., National Security Adviser Eduardo Año, Presidential Adviser for Investment and Economic Affairs Frederick Go, Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, at Defense Undersecretary Salvador Melchor Mison Jr.
Pagdating ng Pangulo sa Pentagon, sinalubong siya ng isang enhanced honor cordon na isang seremonyang isinasagawa para sa matataas na opisyal ng ibang bansa. Simbolo ito ng matatag at malalim na relasyon ng dalawang bansang matagal nang magkaalyado.
Ang tatlong araw na official visit ni Pangulong Marcos sa Washington, D.C. mula Hulyo 20 hanggang 22 ay bilang tugon sa imbitasyon ni US President Donald Trump. Siya ang unang Southeast Asian leader na tinanggap ni Trump sa kanyang second term.
Ito rin ang unang pagkakataon na nagkita nang personal sina Marcos at Trump mula nang maupo muli sa puwesto si Trump noong Enero.