Advertisers
NANINIWALA si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na aabot sa 19 hanggang 20 senador ang boboto pabor sa desisyon ng Korte Suprema na nagpapawalang-bisa sa articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa Agosto 6 ay nakatakdang pagbotohan ng Senado sa plenaryo kung susundin ba o hindi ang desisyon ng Supreme Court sa kabila na hindi pa lumalabas ang pasya ng Korte sa motion for reconsideration ng House of Representatives.
“Sabihin natin, to abide by the ruling. Mga 19 to 20… Karamihan ang mga sentimyento ng kapwa senador ko is to abide by the ruling of the Supreme Court,” wika ni Estrada kung saan binanggit nito na ang isyu ay napag-usapan sa caucus ng mga senador noong Martes.
“Unang-una sa body language, pangalawa sa salita nila, mahahalata mo naman kung sino eh,” banggit pa niya.
Kumbinsido rin si Estrada na sakaling ito ang maging huling boto ay talagang wala nang impeachment trial.
“No more. Because ang sabi ng Supreme Court, the Senate has no jurisdiction already. Dahil unconstitutional na yung finile ng House of Representatives. So, we do not have any jurisdiction anymore,” punto niya.
Ipinaliwanag ni Estrada na ang pagsunod sa desisyon ng High Court ay mangangahulugan ng pagbasura sa impeachment.
“If you abide by the ruling of the Supreme Court, technically, it’s tantamount to dismissal. Well I’m not a lawyer pero yun ang interpretation ko ha,” saad ng senador.
Dagdag niya na ang desisyon ay posibleng isasailalim sa isang debate at botohan sa Agosto 6.
Para kay Estrada, hindi na kailangang hintayin ang SC na magdesisyon hinggil sa apela na Mababang kapulungan ng Kongreso at nagpahayag na maaaring magpatuloy ang Senado ng paglilitis sakaling baligtarin ng hukuman ang kanilang desisyon.
Nabatid na hanggang Agosto 11 ay maaaring maghain ang Kamara ng motion for reconsideration. (Mylene Alfonso)